Home NATIONWIDE Grupo sa nalalapit na EDSA anniversary: ‘Stop Cha-cha’

Grupo sa nalalapit na EDSA anniversary: ‘Stop Cha-cha’

MANILA, Philippines- “EDSA is alive. Stop cha-cha.”

Ito ang mensahe ng Buhay ang EDSA Campaign Network sa pagpapaalala nito sa publiko ng nalalapit na paggunita sa People Power Revolution sa Pebrero 25, na nagpatalsik sa diktaduryang Marcos noong 1986.

Sa isang press conference sa Bantayog ng mga Bayani nitong Lunes, binanggit ng grupo na bunga ang kalayaan ng mga Pilipino sa kasalukuyan ng mga pinaghirapan ng kilusan.

Ipinanawagan din ng grupo na wakasan na ang pagsusulong ng pag-amyenda sa Konstitusyon, o mas kilala sa tawag na “Cha-cha”.

Sinabi ng human rights lawyer na si Chel Diokno ng Bantayog ng mga Bayani Foundation na ang dapat baguhin ay ang tinawag niyang “twisted” na pamamaraan ng pagpapatupad ng mga batas sa bansa.

“Ang Constitution ang puso ng ating batas at kaluluwa ng ating demokrasya. No one, whether they are for or against Charter Change, must be allowed to exploit the Constitution to serve their political interest or agenda,” wika ni Diokno.

“Imbes na pag-awayan ang Cha-cha, our leaders must address the real issues our people have to face every single day — sobrang pagtaas ng presyo ng bilihin, hunger, poverty, criminality, corruption, lack of income and employment, and access to fair and equal justice,” dagdag niya.

Naniniwala si Diokno na takot umano ang foreign investors na pumunta sa Pilipinas hindi dahil sa Konstitusyon, kundi dahil sa kakulangan ng tiwala sa judicial system ng bansa.

Kaya naman, ayon kay Akbayan Party president Rafaela David, tutol sila sa pag-amyenda sa Konstitusyon, kahit sa ekonomikong aspeto.

Sinimulan ng Senado ang deliberasyon sa Resolution of Both Houses 6, o RBH 6, na naglalayong simulan ang economic changes.

“Parang hindi naman economic provision lamang ‘yung tinututukan. Kapag binuksan ‘yan (Constitution) marami nang puwedeng baguhin. At doon pa lang sa pinu-push na People’s Initiative ay pinapahina na natin ang checks and balances,” ani David.

Ayon sa kanya, hindi dapat gamitin ang Konstitusyon sa alitan ng mga politiko.

“Nagagamit sa labanang Marcos vs Duterte and we’re also — we want to be clear na ang paglaban sa cha-cha ay paglaban ng mga mamamayan,” wika niya.

Para naman kay Ging Deles, dating Presidential Adviser on the Peace Process, dapat maging alerto ang mga Pilipino sa anumang kahina-hinalang hakbang upang baguhin ang Konstitusyon.

“Hindi puwedeng madaliin ang pagbabago dito. Kung talagang seryoso na tignan kung ano ba ‘yung mga pagkukulang, dapat binibigyan ng pansin, binibigyan ng pag-aaral,” pahayag ni Deles.

Inihirit ng network na magkaisa ang mga Pilipino sa pag-alala sa EDSA at sa mga paninindigan nito.

Bago ang anibersaryo, magkakaroon ng National Day of Prayer and Action sa February 23 sa EDSA Shrine.

Sa February 25, kasado rin ang iba’t ibang aktbidad tulad ng freedom ride at concert. RNT/SA