MANILA, Philippines – Nagbukas ang Government Service Insurance System (GSIS) ng emergency loan program para sa mga miyembro at pensioner sa Davao Oriental na naapektuhan ng magkasunod na lindol noong nakaraang linggo.
Maaaring umutang ng hanggang ₱40,000 ang mga may kasalukuyang emergency loan, at ₱20,000 naman para sa mga wala pa. Babayaran ito sa loob ng 36 buwan na may 6% interes bawat taon, at magsisimula ang unang bayad matapos ang tatlong buwan.
Maaaring mag-apply sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app, GWAPS kiosks, o iba pang online channels. Direkta namang ide-deposito sa GSIS ATM cards ang loan proceeds.
Ayon kay GSIS president at general manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso, “Handa kaming magbigay ng agarang tulong pinansyal para sa aming mga miyembro at pensioner na naapektuhan ng lindol.”
Nakikipag-ugnayan din ang GSIS sa mga lokal na pamahalaan para sa pag-assess ng mga nasirang ari-arian ng gobyerno at mabilis na pagproseso ng insurance claims.
“Ang aming prayoridad ay makapaghatid ng tulong at seguridad sa panahon ng kalamidad,” dagdag ni Veloso. RNT