Home NATIONWIDE GSIS naglaan ng P4.3B emergency loans sa mga sapul ng El Niño

GSIS naglaan ng P4.3B emergency loans sa mga sapul ng El Niño

MAAARI nang makahiram ng P40,000 ang mga miyembro at pensiyonado ng Government Service Insurance System (GSIS) sa 17 lugar sa bansa na tinamaan ng El Niño.

Naglaan kasi ang GSIS ng mahigit P4.3 billion bilang emergency loans.

Sinabi ng GSIS na sakop ng P4.3 billion ang 185,107 active members at pensioners na makahihiram ngP40,000 para linisin ang balanse ng kanilang dating emergency loan at makatanggap ng maximum net na nagkakahalaga ng P20,000.

Iyon namang walang ‘existing’ emergency loans ay maaaring mag-apply para sa P20,000 loan, na may interest na 6% at may payment period na tatlong taon.

Ang programa ay magiging available sa mga miyembro at pensiyonado sa mga lugar ng Negros Oriental; Kabangkalan City at Valladolid sa Negros Occidental; San Vicente, Palawan; Carcar City at Compostela, Cebu; Iloilo; Brooke’s Point, Palawan; San Agustin, Romblon; Bangsamoro Autonomous Region; Quezon at Pangantucan sa Bukidnon; at Tboli sa South Cotabato.

Winika ng GSIS na magsisimula silang tumanggap ng aplikasyon sa Hunyo 21, 2024, subalit depende ito sa mga lugar kung saan nakatira ang mga miyembro at pensiyonado.

Kabilang naman sa mga kuwalipiakdo ay ang “active members working on residing in the calamity-declared areas, must not be on unpaid leave, have no pending legal cases, have paid premiums within the last six months, and have a net take home pay not lower than P5,000.”

Sa ilalim ng charter ng GSIS, may mandato ito na magbigay ng insurance sa mga empleado ng pamahalaan. Bilang tagapagbigay ng insurance, bahagi ng mandato nito na tiyakin na ang bawat kasapi ay makapagreretiro nang walang alalahanin sa kaniyang pagtanda dahil may pensiyon siyang maasahan. Dagdag pang pakinabang dito ay maging takbuhan sa panahon ng pangangailangan sa pamamagitan ng pagpapautang sa mababang interes. Ito ang dahilan kung bakit sinasabing ang GSIS “Kahit Saan, Kahit Kailan, Laging Maaasahan.”

Samantala, iniulat naman ng ahensiya ang 70% na pagtaas ng net income nito noong 2023 na naging P113.3 billion mula P66.4 billion noong 2022, habang tumaas ang kita ng 33% sa P311.3 billion mula P234.9 billion sa nakalipas na taon. Kris Jose