MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Supreme Court (SC) ang mga tanggapan ng pamahalaan na sa paglalatag ng guidelines para sa media accreditation, hindi dapat higpitan ang pangunahing constitutional right to freedom, right to speech, expression at press.
Iginiit ng SC na ang inilalabas na guidelines at procedures para sa media accreditation ay hindi dapat gamitin para malabag ang karapatan ng media.
Ito ang nakasaad sa desisyon ng SC En Banc matapos ibasura ang petition for prohibition ng mga mamamahayag laban kay dating Bureau of Customs Commissioner Rozzano Rufino Biazon. Ibinasura ang naturang petisyon dahil sa pagiging moot and academic dahil taong 2011 pa binawi ng BOC ang kinukwestiyong memorandum.
Una nang inilabas ang naturang memorandum upang tanggalin ang illegitimate media. Nais masiguro ng BOC na tanging mga bona fide media professionals ang makakapasok sa BOC.
Gayunman, binigyan-diin ng korte na ang guidelines para sa pag-iisyu ng media accreditation ay hindi dapat kontra sa constitutional rights ng isang mamamahayag.
“Thus, no matter how laudable the objective of respondent in weeding out illegitimate media personalities, the means used to achieve such an objective must not unnecessarily sweep on the rights of legitimate media personalities,” nakasaad sa desisyon.
Una nang iginiit ng mga petitioner na Tri-Media Association, Inc. at Customs Media Association na ang memorandum ay katumbas ng censorship kaya isa itong malinaw na paglabag sa freedoms of expression, of speech at of the press. Teresa Tavares