Home METRO Gun dealer patay, 4 iba pa arestado sa raid sa Maguindanao

Gun dealer patay, 4 iba pa arestado sa raid sa Maguindanao

MANILA, Philippines – Patay ang hinihinalang gun dealer habang arestado ang apat nitong kasamahan sa raid sa Talayan, Maguindanao del Sur nitong Huwebes ng hapon, Abril 25.

Kinilala ni Lieutenant Colonel Ariel Huesca, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang napatay na suspected gunrunner na si Zaldy Usman ng Barangay Tambunan, Talayan.

Sa operasyon ng mga operatiba ng CIDG na suportado ng mga sundalo, sugatan at kalaunan ay naaresto sina Ibrahim Temanong Satogan, 26; Basir Baliwan, 37; Ismael Cabagani, 49; at Ari Butuan, 43, lahat ay residente ng Talitay, Maguindanao del Sur.

Nakatakdang magbenta ng high-powered firearms ang mga suspek malapit sa isang gasolinahan sa isang undercover agent ngunit natunugan ng isa sa kanila na mga awtoridad ang kanilang katransaksyon.

Dito na nagpaputok ng baril ang mga suspek hanggang sa umabot sa barilan. Napatay sa barilan si Usman.

Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang M16 rifles, caliber .45 pistol, caliber .30 light machine gun, ammunition, at mobile phones na inilarawan ni Huesca na mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front.

Inihahanda na ang mga reklamo laban sa mga suspek na kasalukuyang naka-detain sa CIDG facility ng lungsod. RNT/JGC