Home METRO Higit 30 street dancers sa pista sa Negros, hinimatay sa tindi ng...

Higit 30 street dancers sa pista sa Negros, hinimatay sa tindi ng init

NEGROS ORIENTAL- HIGIT sa 30 street dancers ang nahimatay sa gitna ng pagsasayaw sa selebrasyon ng Pakol Festival sa bayan ng Sta. Catalina, Negros Oriental, nitong Miyerkules, Abril 24.

Ayon kay nurse Guian Jeif Anqui, ng DRRMO Chief of Operations and Warning, habang nasa gitna ng Street Dancing Competition ilang performers na ang nahimatay hanggang sa nagsunud-sunod na nahimatay ang nasa 45 performers.

Agad naman binigyan ng paunang lunas ang ibang hinimatay habang ang iba ay dinala sa ospital at ngayon nasa ligtas ng kalagayan ang mga ito.

Sinabi ni Anqui na nakaranas ng 40 hanggang 41 degree Celsius ang heat index na kung saan bandang 3:00PM nagperform ang mga dancers at sinundan pa ito ng grand showdown na ginawa sa plaza ng naturang bayan.

Sinabi ni PAGASA climatologist John Manalo, na nakapagtala noong Miyerkules na 39 sa kanilang 68 na istasyon ang nagmomonitor ng mga mapanganib na antas ng heat index sa buong bansa at medyo matindi ang mga temperature kamakailan dahil may high pressure.

Aniya, kapag binalita na may low pressure area more likely uulan sa lugar pero kapag high pressure ang dinadala niya sa atin drier condition at mas mataas na temperature.

Sinabi ng PAGASA na ang mga heatwave ay nangyayari kapag ang temperatura sa isang lugar ay tumaas ng hindi bababa sa limang notches kumpara sa average na maximum nito sa nakalipas na tatlong dekada.

Dagdag pa ni Manalo na masasabi lamang na heatwave ang tindi ng panahon kapag nasa tumaas ang temperature sa 39.4°C sa isang lugar na karaniwang nagtatala ng 34.4°C sa loob ng limang magkakasunod na araw. Mary Anne Sapico