Home METRO Babae patay sa sariling ama

Babae patay sa sariling ama

BACOLOD CITY- Pinaslang ng sariling ama ang isang 27-anyos na babae dahil sa hindi pagkakaunawaan sa Barangay Rafaela Barrera, Sagay City, Negros Occidental nitong Miyerkules.

Sinabi ni Police Lt. Hannah Banquil, deputy chief ng Sagay City Police Station, kinompronta umano ng biktima ang kanyang ama matapos pagalitan ang dalawa nitong apo.

Ani Banquil, pinagalitan ng 51-anyos na suspek ang dalawa niyang apo dahil naglalaro ang mga ito sa gripo.

Nagresulta ito sa pagtatalo sa pagitan nila, kung saan umuwi sa kanilang tahanan ang biktima dahil lasing ang kanyang ama.

Wika ni Banquil, sinundan ng suspek ang biktima saka ito tinaga gamit ang isang bolo, na siyang ikinasawi ng anak. Narekober sa crime scene ang ginamit na bolo.

Sumuko ang suspek sa mga pulis. Ayon sa kanya, hindi niya intensyong patayin ang kanyang anak subalit nairita umano ito, dahilan upang maging marahas siya.

Mayroon nang mga nakaraang alitan ang biktima at ang suspek, base sa mga awtoridad.

Naghain na ng parricide charges laban sa suspek noong Huwebes. RNT/SA