Home METRO Pamamahagi ng kompensasyon sa mga biktima ng Marawi Siege target makumpleto sa...

Pamamahagi ng kompensasyon sa mga biktima ng Marawi Siege target makumpleto sa 2028

MARAWI- Target ng Marawi Compensation Board (MCB) na matapos ang pamamahagi ng mga claim para sa mga biktima ng 2017 Marawi Siege sa 2028, iniulat noong Lunes.

Ayon kay MCB Chairperson Maisara Dandamun Latiph, nasa 14,000 biktima ang humabol sa paghain noong Mayo 6, para sa kanilang claims habang 118 naman ang nakatanggap ng kani-kanilang mga kompensasyon na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P148 milyon.

Aniya, ang mga biktima na nawalan ng tirahan sa panahon ng Marawi Siege ay maaaring mag-claim ng kabayaran na P18,000 per meter square para sa mga nasirang istraktura.

Hindi naman bababa sa P350,000 ang ipagkakaloob sa mga pamilya ng mga indibidwal na namatay .

Para sa 2024, sinabi ni Latiph na ang compensation board ay nagta-target na magbigay ng mga claim sa humigit-kumulang 1,000 hanggang 2,000 na biktima.

Nagpaplano ang MCB na humiling ng P7 bilyong budget — mas mataas sa kasalukuyang P2 bilyon para sa mga claim sa susunod na taon.

“Itong board ay nag-expedite ng aming process, ginawa namin na mas efficient at mas effective ang aming procedures para mas marami ang makatanggap this year at makabalik sa Marawi,” ani Latiph

Dagdag pa ni Latiph na mas pinabilis nila ang proseso para bigyang-daan ang mas maraming biktima na maghain ng mga claim at makabalik ang mga ito sa Marawi.

“In fact, marami na ngayon ang nag-apply ng building permit para makagawa ng bahay dahil nakuha na nila ang claims nila mula samin na as high as P27 million for a hospital. Mayroon din P10 milyon at P5 milyon ang halaga ng istruktura. Masaya ang claimants natin…dahil itong pong pamamahagi ay nagsi-signal na ang Marawi ay babangon na po,” dagdag pa nito.

Pinaalalahanan ng MCB ang publiko na magtatapos ang paghahain para sa kabayaran sa Hulyo 3. Maaaring mag-apply ang mga biktima online o on-site.

Noong Hulyo 2023, binuksan ng MCB ang mga aplikasyon ng mga paghahabol kabilang ang mga paghahabol sa istrukturang ari-arian, kamatayan, at personal na ari-arian, bukod sa iba pa. Halos isang buwan lamang pagkatapos ng pagbubukas, humigit-kumulang 12,000 katao na ang nagpahayag ng interes sa paghahain ng mga claim.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Agosto 2023 na kabuuang P1 bilyon ang inilaan para sa Marawi Siege Victims Compensation Program sa panukalang 2024 national budget.

Nagsimula noong Mayo 2017 ang pagkubkob ng Maute group at tumagal ng ilang buwan.

Buwan ng Oktubre 2017 nang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakalaya ang lungsod mula sa pananakop ng grupo. Mary Anne Sapico