MANILA, Philippines – Muling iginiit ng Department of Justice (DOJ) na hindi papasa bilang state witness si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, hindi mapagkakatiwalaan si Guo na maging testigo dahil siya ay itinuturing pa na pinakaresponsable batay sa isinasagawang imbestigasyon sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Gayunman, nilinaw ni Clavano na hindi pa isinasara ng kagawaran ang posibilidad na gawin siyang state witness sakaling lumabas sa imbestigasyon na mayroon mas malaking tao pa ang sangkot sa iligal na POGO.
Maari din aniyang makonsidera si Guo bilang stsye witness kung ilalantad nito ang malalaking pangalan na sangkot sa anomalya.
Iginiit ni Clavano na nakasalalay sa kahandaan ni Guo na makipagtulungan sa otoridad.
Magugunita na nahaharap si Guo sa patong patong na kaso kabilang ang trafficking in persons, money laundering, graft at tax evasion.
Nahaharap din si Guo sa kasong misrepresentation na dinidinig sa Commission on Elections.
Kasalukuyang nakakulong si Guo sa Philippine National Police custodial center sa Camp Crame, Quezon City. Teresa Tavares