Home NATIONWIDE Guo ‘di dumaan sa Immigration sa pag-alis ng bansa – BI

Guo ‘di dumaan sa Immigration sa pag-alis ng bansa – BI

IPINAHAYAG ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na malaki ang kanilang hinala na ilegal na umalis ng bansa si suspended Bamban Tarlac Mayor Alice Guo, nang hindi dumaan sa mga kinakailangang pagsusuri ng Philippine immigration authorities.

Sinabi ni Tansingco na nakatanggap sila ng impormasyon na si Guo, na ang tunay na pangalan ay Guo Huaping, ay ilegal na bumiyahe sa Malaysia noong Hulyo.

“We received intelligence information from our counterparts abroad that Guo illegally left for Malaysia then flew to Singapore,” ani Tansingco.

Aniya, lumipad si Guo papuntang Singapore kasama sina Shiela Leal Guo at Wesley Leal Guo noong Hulyo 21.

Ginawa ni Tansingco ang pahayag ilang araw matapos dumating mula sa isang pulong ng ASEAN ang pamunuan ng Immigration sa Vietnam.

Nilinaw ni Tansingco na habang ang pangalan ni Guo ay nakalista sa Department of Justice-issued immigration lookout bulletin (ILBO), ang kanyang dapat na departure o pag-alis ay hindi nakatala sa system at centralized database ng BI.

Ayon pa kay Tansingco, may presensiya umano ang BI sa lahat ng regular na internasyonal na mga daungan, papasok man o papalabas ng bansa, tulad ng mga internasyonal na paliparan at daungan, samantalang ang mga informal na exit point ay pinamamahalaan at sinusubaybayan ng iba pang ahensya ng aviation o maritime.

“So far we have not received any turnover or reports related to Guo from other agencies, including those manning our maritime borders,” ayon pa kay Tansingco.

Ibinahagi naman ni Tansingco na umalis ng Pilipinas si Katherine Cassandra Li Ong noong Hunyo 11, bago inilabas ang ILBO laban sa kanila noong Agosto 6.

Idinagdag ni Tansingco na ang intelligence information na iniwan ni Guo para sa Malaysia at Singapore ay nagmula sa mga mapagkakatiwalaang source. Dagdag pa niya, namonitor ang grupo na bumiyahe sa Indonesia.

Sinabi niya na ang pagkansela ng mga Philippine travel documents ni Guo ay maaaring mabilis na masubaybayan ang kanyang extradition sa Pilipinas. Jay Reyes