MANILA, Philippines – Sinampahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng reklamong tax evasion si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Department of Justice (DOJ).
Personal na nagtungo sa DOJ si BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. para ihain ang criminal complaints laban kay Guo at kina Jack Uy at Rachelle Joan Malonzo Carreon, ang Corporate Secretary ng Baofu Land Development Inc. (Baofu).
Sinabi ni Lumagui na mismong si Guo ang umamin na inilipat niya ang kanyang shares sa Baofu kay Uy.
Lumabas din sa imbestigasyon na walang naihain at nabayaran na Capital Gains Tax (CGT) at Documentary Stamp Tax (DST) nang isagawa ang paglilipat.
Inireklamo ang tatlo sa paglabag sa (National Internal Revenue Code of 1997) Section 254 (Attempt to Evade or Defeat Tax), Section 255 (Failure to File CGT and DST Returns) at Section 250 – Failure to File/Supply Certain Information (the latter charge is exclusive to Carreon) ng Tax Code.
Sinabi rin ng BIR na kasalukuyan nitong ina-audit ang buong business operations ni Guo kaugnay sa umano’y ugnayan nito sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kanyang bayan.
Tiniyak ng BIR na dadaan sa due process ang imbestigasyon kay Guo ngunit kung mapatunayan na hindi ito nakabayad ng wastong buwis ay sasampahan muli nila ang dating alkalde ng dagdag na tax evasion case. Teresa Tavares