MANILA, Philippines — Sinabi ni dating senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Miyerkules na inalok ang kanyang kaibigan na isang isang Filipino-Chinese trader ni ex-Bamban mayor Alice Guo ng P1 bilyon para tulungan siya..
Ayon kay Lacson, sinabi ng Fil-Chi businessman na nilapitan sila ni Guo noong kasagsagan ng mga isyu ng ex-mayor bago ito lumabas ng bansa, at dahil may “connections within the circle of the first family” ang negosyante.
“Si Alice Guo ay nag-approach sa kanila noong bago umalis, noong medyo ipit na ipit na at nagtatago na yata. Kumontak sa kanila through a common friend at sabi sa kanila kung mailalapit ba niya si Alice Guo doon sa aming contact [who is close kasama ang unang pamilya],” ani Lacson sa isang interbyu.
“Hindi ko naman sinasabing [completely] pinapaniwalaan ko ‘yung kwento ng Fil-Chi na ito pero ang sabi niya ang offer daw na pera sa kanila ay P1 billion basta’t matulungan lang daw siya,” anang dating senador.
Sinabi pa niya na habang nagdududa siya sa kuwento ng negosyante, ipinakita nila sa kanya ang isang larawan bilang patunay na nakikipag-ugnayan sa kanila si Guo.
“Para mapatotohanan ‘yung sinasabi niya, nagpapakita siya ng litrato nilang dalawa ni Alice Guo na magkasama sila,” dagdag pa ni Lacson. RNT