Home NATIONWIDE Guo posibleng gumamit ng pribadong airstrip sa pag-eskapo – BI

Guo posibleng gumamit ng pribadong airstrip sa pag-eskapo – BI

190
0

MANILA, Philippines – Maaring gumamit ng pribadong airstrip sa Pilipinas si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang lumipad patungo sa Malaysia noong Hulyo.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, sa ginawa umano nilang pag-aanalisa ay lumalabas na hindi umano sa isang major international airport o seaport umalis si former mayor Alice Guo.

Ang naturang pahayag ni Sandoval ay taliwas sa mga naunang sinabi ni Guo na umalis siya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga bangka.

Sinabi ni Sandoval na ang mga pribadong airstrip ay karaniwang pinamamahalaan ng isang ground handler na nagpapaalam at humihingi ng mga clearance mula sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Giit pa ni Sandoval, mahaharap sa mga reklamo ang mga tumulong kay Guo sa pag-alis nito ng bansa.

“Yun po ang bina-backtrack natin upang malaman po kasi nakita natin, na-confirm natin na via aircraft ito dumating ng Kuala Lumpur International Airport. We are in the process of coordinating with our counterparts in Malaysia upang makita po ang mga manipesto naman ng mga flights na dumating po during that period in Kuala Lumpur,” paliwanag ni Sandoval.

Nauna nang sinabi ni Immigration Commissioner Joel Viado sa pagdinig ng Senado na pumasok si Guo sa Malaysia sa pamamagitan ng flight na lumapag noong Hulyo 18 sa gitna ng imbestigasyon laban sa kanya na kinasasangkutan ng mga ilegal na POGO.

Si Guo ay nahuli sa Indonesia at itinurn-over sa mga awtoridad ng Pilipinas noong Setyembre 5. Nahaharap ang dating alkalde sa kaso ng human trafficking sa korte sa Pasig at isang kasong graft sa korte sa Valenzuela.

Nahaharap si Guo sa isang tax evasion complaint, 87 counts para sa money laundering, at isang perjury at falsification complaint sa Justice Department. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here