Home OPINION GUO, SUSUKO O TATAKAS?

GUO, SUSUKO O TATAKAS?

 MATAPOS ang ilang linggo nang kawalang malinaw na patutunguhan, sa wakas ay natatanaw na ng kaliwanagan ang Senado sa mahiwagang kuwento ni Alice Guo. Kapuri-puri ang pagpupursige ng ating mga senador, partikular sina Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. Risa Hontiveros, na mailantad ang katotohanan.

Dapat na magsilbing hudyat ito sa gobyerno na manatiling alerto. Nakaiwas sa panggigisa ng Senado ang suspendidong alkalde ng Bamban, Tarlac, at kanyang mga kasama, sa kabila ng malinaw na arrest order laban sa kanya kaugnay nang umano’y pagkakasangkot niya sa mga iligal na aktibidad.

Dapat isaisip ng mga tagapagpatupad ng batas na sinasalamin ng kasong ito ang mga pangunahing pinangangambahan ng ating bansa: ang iligal na pangangasiwa sa Philippine Offshore Gaming Operators sa Luzon, na kinasasangkutan ng pinakamatitinding krimen, mula sa human trafficking at illegal gambling hanggang sa pagdukot at pagpatay. At partida, hindi pa nating sinisilip ang usapin sa posibilidad ng pag-eespiya.

Iginigiit ng abogado ni Guo na wala sa kondisyon ang alkalde para harapin ang congressional hearing dahil na rin sa pinagdadaanang trauma at pagkalito. Tandaan natin na hindi lamang basta hinihiling kundi ‘deserve’ rin talaga ng publiko na mayroong managot sa isyung ito. Ang malinaw, naiintindihan ito ng isang tao na nagawang maipanalo ang kanyang sarili bilang mayor.

Sinasabi ng kanyang abogado na pinag-iisipan na raw ni Guo na sumuko na lang, pero ang hindi na naman niya pagsipot sa pagdinig ng Senado ay lalo lamang nagpaigting sa suspetsa ng ilan na baka tatakas o tumakas na siya.

At paano naman si Guo at ang mga kahina-hinalang koneksyon ng dati niyang kompanya? Natuklasan ng Anti-Money Laundering Council  o AMLC  ang mga transaksyon sa pagitan ng isa sa mga kompanya ni Guo at ng kapatid na lalaki ni Michael Yang, dating economic adviser ni Pangulong Duterte.

Tinukoy ni Hontiveros ang mga transaksyong ito, nag-akusa na konektado rin si Yang sa negosyong POGO. Ang kumpanya ni Guo na Baofu Land Development Inc. ay tumanggap ng mga pondo mula sa joint account nina Hongjiang Yang at Yu Zheng Can, para gastusan ang POGO complex na sinalakay noong Marso.

Bukod dito, ang pagkakaugnay ng Full Win Group ni Hongjiang sa kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corp. ay lalong naglantad sa isang grupo ng mga kaduda-dudang personalidad.

Uulitin ko, ang pagsisikap ng Senado na ayusin ang nagsanga-sanga nang isyung ito ay dapat na magsilbing wake-up call para sa mas istriktong pagpapatupad ng batas. Dapat tiyakin ng gobyerno na agaran at masusing mailalapat ang hustisya — wala nang pagpapaliban, wala na ring mga palusot.

                        Senador na anti-dynasty

Eto ang talaga namang nakagugulat. Naghain ng panukala si Senator Robin Padilla na nagbabawal sa mga kasapi ng iisang political dynasty na kumandidato. Layunin ng panukala, ang Senate Bill No. 2730, na matuldukan na ang pamamayagpag ng mga pulitikong angkan na nagkokompromiso sa kompetisyon at sa pagkakaroon ng pananagutan.

Kung susuriin ang mga bilang, nakagugulat na palaki nang palaki talaga ang mga ito: ang porsyento ng mga gobernador na may mga kamag-anak na nasa pwesto rin ay umakyat mula sa 41% noong 1988 patungong 80% noong 2019. Ang dynastic dominance na ito ang nakapipigil sa pinakamahuhusay para maglingkod sa mamamayang Pilipino.

Gayunman, hindi inaasahan ang bagong paninindigan ni Padilla. Ibig sabihin, dahil mula mismo sa “the Bad Boy,” ano naman kaya ang sasabihin dito ng kanyang idolo at political compass na si Digong Duterte?

                                     *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.