MANILA, Philippines – Kinumpirma ni dating Bamban Mayor Alice Guo na maraming siyang kilalang abogado nang magbigay ng ilang katanungan ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), bago ito dalhin pabalik ng Pilipinas mula Indonesia.
Kabilang sa tinanong ni NBI Special Task Force Atty. Joselito Valle kung kilala niya ang isang “Atty. Galicia” na tahasan naman niyang sinagot ng ‘oo’ at siyang nagnotaryo sa kanyang dokumento gayundin ang kanyang naiulat na doppelganger at NBI clearance.
Nang tanungin muli kung kailan niya huling nakita si Galicia– tanging ngiti lamang ang isinagot ni Guo sa katanungan.
Ayon pa kay Guo, mga tauhan niya ang mga nasa ipinakitang larawan ni NBI Assistant Director for Investigation Service Atty. Lito Magno sa kanyang cellphone.
Sinabi naman ni NBI Violence Against Women and Children Division chief Atty. Yehlen Agus kay Guo, na kamukha niya ang nasa larawan.
Ang larawan na ipinakita kay Guo ay iniulat na kanyang doppelganger.
Sa ulat, sinasabing maaaring gumagamit si Guo ng mga doppelganger para kumilos bilang decoy para iligaw ang mga operatiba ng Bureau of Immigration, NBI, at Philippine National Police.
Tinanong din ni Valle si Guo kung nakakuha ba siya ng NBI clearance dati na sinagot naman ng niya na nakakuha siya noong bago siya maging alkalde.
Nauna nang sinabi ni NBI Director Jimmy Santiago at NBI Dactyloscopy Unit na ikinumpara nila ang fingerprints sa NBI clearance ng isang “Alice Guo” kay “Guo Hua Ping” kung saan nag-matched ang fingerprints .
Ito ang nagbunsod sa NBI na ideklara na sina Alice Guo at Guo Hua Ping ay iisang tao.
Si Guo ay inaresto sa Tangeray City ng Indonesian Police madaling araw noong Miyerkules.
Siya ay opisyal na itinurn-over sa mga awtoridad ng Pilipinas noong Huwebes at bumalik sa bansa noong Biyernes ng madaling araw.
Nahaharap si Guo sa ilang mga legal na problema, kabilang sa mga ito ang kanyang naiulat na pagkakaugnay sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban.
Mayroon din siyang arrest order na inilabas ng Senado para sa paulit-ulit na hindi pagsipot sa mga pagdinig sa ni-raid na POGO.
Nahaharap din si Guo sa isang reklamo sa money laundering, tax evasion complaint, at materyal na misrepresentasyon sa kanyang mga papeles sa pagkandidato bilang mayor, bukod sa iba pa.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)