CABAGAN, Isabela – Naalarma ang mga residente lalo na ang mga magulang nang may kumakalat sa social media na mayroon van na gumagala na kumukuha ng bata’t dalaga sa bayan ng Cagaban, Isabela.
Nagbabala si PMaj. Merwin Villanueva, hepe ng Cabagan Police Station sa publiko sa naglipanang mensahe ngayon sa social media kaugnay sa umano’y van na nangunguha ng bata at dalaga na walang katotohanan na maituturing na isang fake news.
Ang naturang post na gumagamit sa kanilang himpilan ay fake news o maling impormasyon.
Aniya, walang katotohanan at hindi beripikado ang naturang mga impormasyon na ipinakakalat sa facebook dahil maging siya ay nakatanggap rin ng naturang mensahe na posted na rin sa iba’t ibang group chats.
Dahil dito, pinawi ang pangamba ng publiko sa pamamagitan ng pag post sa kanilang official Facebook account na pinabubulaanan ang naturang inpormasyon dahil wala naman silang namamataan na mga kahina hinalang sasakyan na umaaligid sa naturang bayan.
Naiparating na din ang insidente sa iba pang himpilan ng pulisya maging sa Local Government Unit o LGU para mabilis na matukoy kung sino ang nagpapakalat ng malisyosong inpormasyon.
Tiniyak nito, sa oras na matukoy o makilala kung sino ang nasa likod nito ay mapapatawan o mahaharap sa kaso dahil sa paglabag sa cybercrime law.
Kung kayat paalala sa publiko na huwag maniwala agad sa kumakalat sa social media kung hindi ito beripikado. Rey Velasco