Home METRO Guro dedo, posibleng hinalay; suspek natunton sa tattoo

Guro dedo, posibleng hinalay; suspek natunton sa tattoo

1
0

NAGA CITY — Arestado ang isang lalaki kaugnay ng pagkamatay ng 28-anyos na gurong natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Pacol, Naga City noong Hulyo 18.

Ayon kay PCapt. Arnel Azaña, officer-in-charge station commander ng Naga Police Station 4, nadatnan ang biktima na nakahandusay sa sahig malapit sa kanyang kama. Wala nang takip ang ibabang bahagi ng kanyang katawan at nakataas ang kanyang damit.

Sa tulong ng mga residente at CCTV footage, nakilala ng pulisya ang suspek na alyas “Jason” dahil sa mga tattoo sa kanyang kamay na nahagip nang galawin niya ang CCTV camera dakong alas-3:28 ng madaling-araw.

Naaresto siya ng mga pulis makalipas ang ilang oras sa Pasacao, Camarines Sur.

“Paglabas niya ng bahay after ng krimen ay ginalaw niya yung CCTV doon sa kanto ng bahay… Paggalaw niya ng CCTV camera, nakalimutan niya na may tattoo pala siya sa kanyang kamay,” ani Azaña.

Narekober ng mga awtoridad ang iPhone, tablet at ATM card na umano’y ninakaw ng suspek. Positibong kinilala ng boyfriend ng biktima ang mga gamit bilang pag-aari ng guro.

Batay sa paunang imbestigasyon, suffocation ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. Isang unan umano ang itinakip sa kanyang mukha, habang wala nang ibang nakitang pinsala sa kanyang katawan.

“Base po sa inisyal na investigation, yung unan, tinakpan yung mukha, suffocate, wala namang ibang tama yung babaeng biktima,” dagdag ni Azaña.

Hinihintay pa ng mga awtoridad ang resulta ng pagsusuri upang matukoy kung seksuwal na inabuso ang biktima.

Samantala, sinabi ni Naga City Mayor Leni Robredo na paiigtingin ang seguridad sa lugar sa pamamagitan ng pagtatayo ng police outpost at paglalaan ng karagdagang pondo para sa mga CCTV camera sa barangay.

“Kagaya kahapon, kung hindi dahil sa cctv footage hindi matutunton yung suspek, so napakalaki talagang bagay. Nag-usap din kami ni Councilor Omar [Buenafe] kanina, baka dagdagan ang budget ng lungsod, sa pag-invest sa CCTV at higpitan ang pagpatupad ng ordinansa,” ani Robredo. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here