Home NATIONWIDE Speaker Dy: Kamara, all set na sa ikalimang SONA ni Marcos

Speaker Dy: Kamara, all set na sa ikalimang SONA ni Marcos

3
0

MANILA, Philippines — Handa na ang House of Representatives na idaos ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 27, ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III matapos ang huling inspeksiyon at run-through sa plenary hall nitong Martes.

“Tungkulin nating tiyakin na ang bawat aspeto ng SONA ay magiging maayos, ligtas, at karapat-dapat sa kahalagahan ng okasyong ito. Mahalaga ang araw na ito hindi lamang para sa pamahalaan kundi para sa bawat Pilipino, dahil ito ang pagkakataong magbigay ang Pangulo ng ulat sa kalagayan ng bansa at ng direksiyong ating tatahakin. Handa na ang Kamara para sa ikalimang State of the Nation Address ng Pangulo,” pahayag ni Dy sa isang news release nitong Miyerkules.

Sinabi ni Dy na napagkasunduan ng Kamara at Office of the President na gawing simple ngunit marangal ang SONA.

Isinagawa ang inspeksiyon matapos ang ilang linggong paghahanda at huling inter-agency coordination meeting ng mga opisyal ng House of Representatives, Office of the President at Senado upang plantsahin ang natitirang operational arrangements.

“We’re all set,” sinabi ni House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil, kasabay ng pagbanggit na kabilang sa huling pinag-usapan ang seating arrangements para sa mga dignitaryo at viewing rooms para sa mga bisitang hindi na maisisiksik sa plenary hall.

Nauna ring pinangunahan ni Garafil ang inspeksiyon ng mga opisyal ng Office of the President sa rutang dadaanan ni Marcos mula sa likurang pasukan ng House complex patungo sa plenary hall.

Kabilang sa mga paghahanda ang pagkumpleto sa ikalawa at ikatlong palapag ng Main Building, pagsasaayos ng mga hallway at common area, at pagtatayo ng mga bagong al fresco lounge. Inihanda na rin ang plenary hall para sa joint session ng Kongreso.

Humigit-kumulang 30 tauhan mula sa House Medical and Dental Service, katuwang ang mga medical team mula sa St. Luke’s Medical Center, Diliman Doctors Hospital, Philippine Heart Center at East Avenue Medical Center, ang ikakalat sa buong complex.

Naka-standby rin ang mga responder mula sa Department of Health, mga lokal na pamahalaan, Bureau of Fire Protection at Philippine National Police para sa anumang emergency. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here