BACOLOD CITY — Nilinis ng Bacolod City Police Office (BCPO) sa kasong illegal drug possession ang isang 17-anyos na lalaking Grade 9 student matapos lumabas sa laboratory test na walang shabu ang dalawang sachet na nakita sa kanyang school bag.
Sinabi ni BCPO Director Col. Eugene Rebadomia nitong Miyerkules na kinumpirma ng Philippine National Police Regional Forensic Unit na walang ipinagbabawal na droga ang mga naturang sachet at naglalaman lang ng tawas.
“It’s negative for shabu. We cannot find a case,” ani Rebadomia.
Itinuturing na ngayon ng pulisya na biktima ang estudyante matapos umanong ilagay ng isa pang mag-aaral ang pekeng shabu sa kanyang bag bilang paghihiganti dahil sa dati nilang alitan.
Isinailalim sa protective custody ang estudyante noong Lunes, Hulyo 20, matapos makita ang mga sachet na may puting pulbos sa isang campus security inspection. Dinala siya sa Social Development Center ngunit pinalaya rin matapos mapawalang-sala.
Sinabi ni Police Station 3 officer-in-charge Lt. Benjo Ballo-Allo na iniimbestigahan nila kung sinong estudyante ang naglagay ng mga sachet sa backpack ng Grade 9 student.
Nagsimula ang inspeksiyon matapos makatanggap ang school security guard ng ulat na may dalang baril umano ang estudyante sa kanyang bag.
Ayon kay Secretary to the Mayor Jose Marty Go, ipinaalam sa kanya ni Department of Education-Bacolod City Schools Division Superintendent Dennis Develos na pinayuhan ang dalawang estudyanteng sangkot na manatili muna sa bahay at pansamantalang lumipat sa alternative delivery mode of learning.
“They will also provide psycho-social intervention for the students. It looks like the other student retaliated at the (Grade 9) student since they had a previous conflict,” ani Go. Mary Anne Sapico