Home HOME BANNER STORY Gurong nanampal sa nasawing estudyante, may nilinaw

Gurong nanampal sa nasawing estudyante, may nilinaw

MANILA, Philippines – Hindi umano malakas.

Ito ang paglilinaw ng isang guro na sinasabing nanampal sa nasawing 14-anyos na grade 5 pupil na naospital muna at na-comatose.

Pumanaw nitong Lunes, Oktubre 2, si Francis Jay Gumikib sa ospital, 11 araw matapos siyang isugod doon makaraang dumaing ng pagkahilo.

Natuklasan ng ospital na dumugo ang utak ng biktima.

Sinabi ni Police Executive Master Sergeant Divina Rafael, hepe ng Antipolo City Police Women’s and Children’s Desk, na nakapanayam na nila ang inaakusahang guro.

“Paliwanag po niya although yung kamay niya ay dumapo sa mukha ng bata, ang sabi niya po hindi naman daw po malakas yung pangyayari,” ani Rafael nang makapanayam niya ang guro.

Sa ngayon ay nagsagawa ng awtopsiya ang awtoridad para  malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Gumikib.

Posible namang maharap ang guro sa kasong homicide at paglabag sa Republic Act 7610, o Anti-child abuse law.

Desidido naman ang mga magulang ng biktima na magsampa ng reklamo laban sa guro, dagdag pa ni Rafael. RNT