SYDNEY, Australia – Dalawang tao ang naospital matapos gumuho ang isang gusali sa Ultimo, isang lugar na malapit sa sentrong bahagi ng Sydney, Australia, noong Lunes.
Ayon sa New South Wales Ambulance, nakatanggap sila ng tawag bago mag-11:00 a.m. at agad na rumesponde sa lugar ng insidente.
Sinuri ng mga emergency worker ang pitong tao sa pinangyarihan. Dalawa sa kanila ang dinala sa ospital sa seryosong kondisyon.
Sa mga kuhang video ng Seven Network, makikita ang gumuhong pader ng isang malaking gusali na umano’y matatagpuan malapit sa isang construction site.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng pagguho ng gusali. RNT/MDS