MANILA, Philippines- Patuloy na nakaaapekto ang Southwest Monsoon (Habagat) sa Luzon ngayong Lunes at magdudulot ng pag-ulan, base sa PAGASA.
Inaasahan sa Ilocos Region, Apayao, at Abra ang pabugso-bugsong ulan dahil sa monsoon.
Makararanas naman ang Cagayan Valley, Central Luzon, at natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region ng maulap na kalangitan at kalat na pag-ulan dahil sa Southwest Monsoon.
Nakaamba sa Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Region ang “partly cloudy to cloudy skies with isolated rain showers or thunderstorms” dahil sa monsoon.
Iiral naman sa natitirang bahagi ng bansa ang “partly cloudy to cloudy skies with isolated rain showers or thunderstorms” dahil sa localized thunderstorms.
Samantala, binabantayan ng PAGASA ang dalawang Low Pressure Areas (LPAs).
Ang isa ay tinatayang 1,155 km east northeast ng Extreme Northern Luzon hanggang kaninang alas-3 ng madaling araw.
“Hindi natin inaalis ‘yung posibilidad na ito (LPA east northeast of extreme Northern Luzon) ay maging bagyo,” ayon kay PAGASA weather specialist Obet Badrina sa isang panayam.
Kumikilos ang LPA sa westward direction at hindi nagbabadyag mag-landfall, base sa ulat.
Ang isa pang LPA ay tinatayang 2,810 km east ng Eastern Visayas, nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Posible itong pumasok sa PAR subalit maliit ang posibilidad na mag-landfall ito, batay sa ulat.
“Wala pa itong epekto sa bansa,” wika ni Badrina.
Ang coastal waters ay magiging slight to moderate sa buong bansa.
Sumikat ang araw ng alas-5:45 ng umaga at lulubog ng alas-6:02 ng hapon. RNT/SA