MANILA, Philippines- Nahuli na ang puganteng pastor na si Apollo Quiboloy, ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos nitong Linggo ng gabi.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Abalos ang larawan ng pinuno ng Kingdom of Jesus Christ. “Nahuli na si Pastor Quiboloy!” aniya.
Sinabi sa isang ulat na naaresto si Quiboloy ng alas-6 ng hapon sa loob ng KOJC compound sa Davao City, kung saan siya hinahanap ng mga pulis mula pa noong Agosto 24.
Samantala, sa hiwalay na ulat, dinala na umano si Quiboloy sa Metro Manila nitong Linggo ng gabi at inihatid ng convoy sa PNP Custodial Facility Camp Crame.
Kabilang umano sa convoy ang ilang sasakyan ng Philippine National Police, dalawang coaster vehicles, at ilang civilian vehicles na may emergency lights.
Ayon pa sa hiwalay na ulat, mula sa Davao City, lumapag ang eroplanong pinaniniwalaang sinakyan ni Quiboloy sa Villamor Air Base ng alas-8:38 ng gabi.
Dumaan umano ang convoy sa EDSA busway patungo sa Camp Crame.
Kalaunan, sa isang press conference, kinumpirma ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na dinala na roon si Quiboloy. Aniya pa, sumuko ito sa PNP matapos nitong magpalabas ng ultimatum na kailangan nitong sumuko sa loob ng 24 oras.
Mahigpit umano ang seguridad sa Camp Crame na ipinagbabawal na makapasok ang media.
Base sa kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio, sumuko si Quiboloy sa Intelligence Service ng Armed Forces sa Kingdom of Jesus Christ compound sa Davao City nitong Linggo ng gabi.
Nahaharap si Quiboloy sa kaso sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Nahaharap din siya sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, as amended, sa Pasig court. RNT/SA