MANILA, Philippines- Poposasan si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo habang nakasuot ng bulletproof vest at napapaligiran ng police escorts kapag inilipat siya sa Senado upang dumalo sa legislative investigation sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), base sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.
Sinabi ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na aalis ang convoy na maghahatid kay Guo sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City ng alas-8 ng umaga ngayong Lunes para sa Senate hearing na kasado ng alas-10 ng umaga.
“Ang initial po ay lalagyan siya ng bullet vest, isasakay siya sa sasakyan with security package. Ang nasa paligid naman niya ay mga babaeng pulis natin. Meron din tayong mga SWAT na magbabantay po at kasama po ‘yan sa convoy at dadalhin siya immediately doon sa Senate para um-attend sa hearing,” pahayag ni Fajardo sa isang panayam.
“Naka-posas po ‘yan papunta ng Senado at pagdating po doon then we will take our cue from the Senate kung ipapatanggal po nila ‘yan. Normally naman po, kapag ang isang indibidwal lalo na’t under detention, ay inaalisan naman ng posas habang ongoing ‘yung Senate although meron tayo security sa likod,” dagdag niya.
Ayon pa sa opisyal, mahigpit na ipatutupad ng mga awtoridad ang security protocols sa paghahatid kay Guo sa Senate office sa Pasay City.
Inilahad din ni Fajardo na titiyakin ng PNP na hindi mauulit sa dating alkalde ang hostage taking incident na nangyari kay dating Senador Leila de Lima noong Oktubre 2022 habang nasa Custodial Center.
“Sisiguraduhin natin na hindi na mauulit ang nangyari sa insidente kay dating Senador de Lima. Pagkatapos ng insidenteng ‘yun ay nag-beef up tayo ng security diyan,” wika niya.
“Malayo po itong detention cell ni Alice Guo doon sa mga detention cell naman po ng iba pang high profile male individuals na nandyan kasalukuyan sa custodial facility,” dagdag ni Fajardo. RNT/SA