Home METRO Habagat magpapaulan sa OccMin, Palawan

Habagat magpapaulan sa OccMin, Palawan

MANILA, Philippines – Magdadala ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa ang hanging habagat, iniulat ng PAGASA.

Ang Occidental Mindoro at hilagang Palawan kabilang ang Calamian Islands ay magkakaroon ng monsoon rains dahil sa southwest monsoon na may flash flood o landslide na posibleng mangyari dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Batangas, Cavite, ang natitirang bahagi ng Mimaropa, at Western Visayas ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa habagat. Ang mga flash flood o landslide ay maaaring mangyari dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa habagat at mga localized na thunderstorm. Sa panahon ng matinding bagyo, maaaring magkaroon ng flash flood o landslide. RNT