Home NATIONWIDE Hakbang na gawing National Polytechnic University ang PUP umarangkada na

Hakbang na gawing National Polytechnic University ang PUP umarangkada na

Manila, Philippines – Aprubado na sa House Committee on Higher and Technical Education ang paglikha ng technical working group (TWG) para gawin ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) bilang National Polytechnic University (NPU).

Ipinaliwanang ni Committee chair Baguio City Rep. Mark Go na ang TWG ang babalangkas upang mabuo ang isang substitute bill para pag-isahin ang anim na panukalang naglalayong amyendahan ang Presidential Decree 1341, o mas kilala sa charter ng PUP.

Sa ilalim ng panukalang NPU Bill, ang dating PUP ay magiging bilang unang unibersidad na may institusyonal at fiscal autonomy lalo pa at naghahanda ito para sa pagdiriwang ng ika-120 taong anibersaryo.

Ayon naman kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, may-akda ng House Bill 8860, isa sa anim na panukala na ang isinusulong nitong amyenda ay nakatuon sa pagtiyak na ang PUP ay manatiling may saysay at epektibong institusyon, na nakatutok sa pagbibigay ng kalidad na edukasyon, nagpapaunlad ng mga pagbabago at nagbabahagi ng kaunlaran sa bansa.

Sinabi pa ng mambabatas na ang anim na panukalang batas ay naka-sentro sa Section 1, Article XIV ng 1987 Konstitusyon, na nagsasaad na, “The State shall protect and promote the right of all citizens to quality education at all levels, and shall take appropriate steps to make such education accessible to all.”

Kabilang sa mga may-akda ng HB 8860 ay nina Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre. Bukod sa HB 8860, ang iba pang mga panukala na kasama sa pagsasama-samahin ay ang mga HBs 8829, 9060, 2363, 6790 at 6973, na iniakda nina Reps. Edwin Olivarez, Rep. Erwin Tulfo, Charisse Anne Hernandez, Lordan Suan, at Ching Bernos, ayon sa pagkakasunod.

Layon naman ng mga HBs 2363, 6790 at 6973 na maglagay ng mga PUP campus sa ilang bahagi ng bansa.

Ngunit inangalan naman ng Anakbayan PUP ang pananatili ng mababang alokasyon para sa NPU Bill.

“Kung sinasabi na kasabay ng pagiging national university ng PUP ang dagdag pondo. Dapat matagal nang binigyan ng sapat sa pondo ang PUP一 ang sektor ng edukasyon. Sa pagdadamot ng estado ng sapat na badyet sa pamantasan, malinaw na sila mismo ang tinik sa lalamunan ng komunidad ng PUP, s’yang hadlang sa paggampan ng PUP sa tungkulin nitong magbigay ng de kalidad, at aksisableng edukasyon,” said Anakbayan PUP Chairperson Mhing Gomez.

Giit pa ni Gomez na sa loob ng maraming taon ang PUP ay nahaharap sa pagkakaltas ng badyet na siyang pumipigil upang ito ay maisulong ang pagkakaloob ng mas mataas na kalidad ng edukasyon.

Sa General Appropriation Act of 2024 ay nasa P3.08 bilyon ang naaprubahan para sa PUP gayung ang naunang panukala ay P6 bilyon.

“Kung sinsero ang NPU bill sa layon nitong paunlarin ang edukasyon sa pamantasan. Hinahamon namin ang mga mambabatas na alisin ang mga probisyon na mas magpa-privatize sa mga dapat ay serbisyo publiko sa loob ng PUP. Ang kahulugan ng pribatisasyon sa mga iskolar ay mas pagtaas ng gastusin na katumbas ng muling pagdadamot ng akses sa edukasyon.”

Habang isinasagawa ang pagdinig sa Kamara ay nagtipon naman ang ilang mag-aaral ng PUP sa labas ng Batasan Complex kung saan kanilang ipinakita ang mga hinaing para sa NPU Bill. Meliza Maluntag

Previous articleSenators: Pinas bukas sa mga negosyo kahit walang Cha-cha
Next articleConsultancy firm na nagpapadala ng OFWs sa Poland pinadlak ng DMW