Home METRO Consultancy firm na nagpapadala ng OFWs sa Poland pinadlak ng DMW

Consultancy firm na nagpapadala ng OFWs sa Poland pinadlak ng DMW

MANILA, Philippines – Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang consultancy firm na nakabase sa Makati matapos makumpirma na illegal na nagpapadala ng mga Pilipino para magtrabaho sa factory sa Poland.

Sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia na itinago ng kompanya ang pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa bilang bahagi ng serbisyo nitong “global migration training”.

Ipinadlock ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) ng ahensya, sa pakikipag-ugnayan sa Makati police, ang opisina ng BELMÜN Philippines Inc., na matatagpuan sa Salcedo Village.

Ang mga pagsisiyasat ng Migrant Workers Office sa Prague (MWO-Prague) at ng MWPB, nagpakita nakipagsosyo ang job consultancy firm sa mga hindi nasabi na Philippine Overseas Employment Administration-registered agencies para magpadala ng mga aplikante sa Poland.

Hiningan umano ang mga aplikante ng all-in payment na hindi bababa sa P165,000 para sa pagproseso ng mga dokumento sa pagtatrabaho, visa, at referral sa mga foreign partner agencies, ngunit hindi kasama ang air fare.

Nagbayad ang mga overseas Filipino worker (OFWs) ng paunang bayad na P56,000 para sa pagproseso ng mga work permit, at ang natitirang balanse ay babayaran sa pag-isyu nito, na maaaring tumagal ng isang taon.

Sinabi ni Olalia na ang mga opisyal at kawani ng BELMÜN ay sasampahan ng mga kasong illegal recruitment na ginawa ng isang sindikato, na may parusang habambuhay na pagkakakulong at multa mula P2 milyon hanggang P5 milyon.

Isasama rin ng DMW sa listahan ng mga indibidwal at establishment na may derogatory record ang mga tauhan ng BELMUN at ang ahensya ay blacklisted mula sa pakikilahok sa anumang government overseas recruitment program.

Ang ahensya ay ang ikatlong kumpanyang isinara ng DMW para sa iligal na pangangalap sa taong ito. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articleHakbang na gawing National Polytechnic University ang PUP umarangkada na
Next articleUnang araw ng voter registration matagumpay – Comelec