Home NATIONWIDE Unang araw ng voter registration matagumpay – Comelec

Unang araw ng voter registration matagumpay – Comelec

MANILA, Philippines – Itinuring ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes, Pebrero 12, na “tagumpay” ang pagsisimula ng voter registration period para sa 2025 midterm polls.

Sa isang pahayag, sinabi ng poll body na pinangunahan ni chairperson George Erwin Garcia ang kick-off ng mga aktibidad sa pagpaparehistro ng mga botante sa Pag-Asa Island, Kalayaan, Palawan.

“It was such a success. The turn-out of registrants in all our sites was so overwhelming,” sabi ni Garcia.

Sinabi ni Garcia na ang ceremonial kick-off sa Pag-Asa Island ay nagpapakita ng kanilang pagnanais na abutin ang mga Pilipino para gamitin nila ang kanilang karapatan sa pagboto, gaano man sila kalayo.

“Hindi mahalaga kung hindi man kasingdami ang bilang ng mga botante at mga nagpaparehistro sa Pag-Asa Island gaya ng ibang mga bayan at lungsod – ang pinakamahalaga ay mabigyang buhay ng Comelec ang karapatang bumoto ng bawat Pilipino, saan man siya naroroon, malayo man o malapit, lalo na rito na napakalayo man ay nananatiling buhay at malakas ang soberaniya at kalayaan ng mahal nating Pilipinas”, pahayag ni Garcia.

Ang pagbisita ni Garcia sa isla ay kasabay ng paglulunsad at pagsisimula ng “Pambansang Araw ng Botanteng Pilipino” (National Voter’s Day) sa koordinasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) at ang local government.

Isinagawa ang sabay-sabay na registration activities sa higit 2,000 registration sites sa bansa kabilang ang 170 mall registration sites ng SM Supermalls, Robinsons Malls, Megaworld Lifestyle Malls, and Filinvest Festival Malls.

Nagkaroon ng pilot-test ang Register Anywhere Program (RAP)noong Lunes sa lahat ng highly urbanized cities at capital cities at bayan sa bansa.

Bukod sa mga pribadong establisyimento, nakipag-ugnayan ang Comelec sa iba pang tanggapan ng gobyerno, relihiyosong organisasyon, at institusyong pang-edukasyon para sa Special Register Anywhere Program (SRAP).

Ang mga inisyal na lugar para sa SRAP ay ang Redemptorist Church sa Baclaran, Parañaque City, at ang Main Office ng Comelec sa Intramuros, Manila.

Bukod sa pagpaparehistro sa buong bansa, ang mga pamamaraan ay isinagawa sa 92 Philippine post sa buong mundo para sa mga botante sa ibang bansa.

Ang RAP ay hanggang Agosto 31 lamang habang ang pagpaparehistro sa mga malls at offsite at satellite hub ay magtatapos sa Setyembre 30. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)