Home METRO Totoy patay, buntis na ina nakunan sa bangga ng van

Totoy patay, buntis na ina nakunan sa bangga ng van

BOHOL- Maagang binawian ng buhay ang isang 7-anyos na lalaki habang nakunan naman ang kanyang ina na limang buwang buntis at sugatan ang ama matapos silang banggain ng van habang sakay ng motorsiklo noong Huwebes sa bayan ng Sikatuna.

Agad na namatay ang batang lalaki habang isinugod naman sa ospital ang buntis at asawa nitong si Eliezer Biatinggo, driver ng motorsiklo.

Sumuko naman sa pulisya ang 36-anyos na suspek at driver ng van.

Base sa nakuhang CCTV footage, makikitang binabaybay ng pamilya Biatinggo ang national highway na sakop ng Sikatuna nang bigla na lamang silang mabundol ng suspek.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang bata at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek pero kalaunan ay sumuko din sa mga awtoridad.

Sa himpilan ng pulisya, nangako ang suspek na magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga biktima.

Hindi naman matanggap ni Eliezer ang pagkamatay ng kanyang dalawang anak at desididong magsampa ng patong-patong na kaso laban sa suspek. Mary Anne Sapico