Home NATIONWIDE Halaga ng internet bababa, data connection bibilis sa panukala ni Legarda

Halaga ng internet bababa, data connection bibilis sa panukala ni Legarda

MANILA, Philippines- Mistulang kinalampag ni Senador Loren Legarda ang isang panukalang Senate Bill No. 2699 o ang Konektadong Pinoy Act upang maibaba ang halaga at mapabilis ang internet connection at data transmission sa buong bansa.

Sinabi ni Legarda, pangunahing awtor ng panukalang nagtatag ng Department of Information and Communication Technology (DICT), na kailangan nang maisabatas ang panukala upang maging demokratiko ang digital marketplace.

“Sa kasalukuyan, ang koneksyon ay hindi na isang luho ngunit isang pangangailangan. Ang pamumuhunan sa maayos na data transmission services ay mahalaga sa pag-unlad ng bansa,” pahayag ni Legarda.

“Nais nating i-democratize ang digital marketplace sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang technology-neutral policy framework para sa lahat ng mga service provider.”

Ayon kay Legarda, kapag naisabatas ang panukala, mabibigyan ang publiko ng malawakang internet connection.

Layunin din nito na maibaba ang presyo ng internet at mapalawak pa ang access high-quality internet services ng bawat Pilipino, giit ng senador.

“Palagi kong itinutulak ang mga hakbangin upang mapabuti ang ating ICT infrastructure at services. Sa aming lalawigan ng Antique, sinuportahan natin ang ‘Broadband ng Masa’ Project (BBMP), sa pakikipagtulungan sa DICT, at nakapagkabit tayo ng 450 Wi-Fi sites sa 150 barangay,” wika ni Legarda.

“Ang inisyatibang ito ay isang mahalagang hakbang sa pag-equip sa ating mga komunidad at bilang solusyon sa digital gap,” dagdag niya.

“Importanteng mabigyang natin ng prayoridad ang digital inclusivity sa panahon ngayon, habang kinikilala natin ang kahalagahan ng mga innovations sa pag-unlad ng ating bansa.”

Lahat ng 18 bayan sa Antique, na probinsya ni Legarda, ay konektado sa internet sa pamamagitan ng satellite na Starlink, dahil sa inisyatiba at personal na tulong. Ernie Reyes