Home NATIONWIDE Petisyon ng OSG ipinababasura ng kampo ni Guo

Petisyon ng OSG ipinababasura ng kampo ni Guo

MANILA, Philippines- Ipinababasura ng sinibak na si Bamban, Tarlac Mayor Alice L. Guo ang quo warranto petition ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Manila Regional Trial Court.

Sinabi ni Solicitor General Menardo I. Guevarra, naghain ang mga abogado ni Guo ng mosyon sa korte na humihiling na ma-dismiss ang kahilingan ng OSG na mapawalang-bisa ang proklamasyon kay Guo bilang halal na opisyal.

Posible aniyang maglabas ng desisyon ang korte sa mosyon ng kampo ni Guo matapos itong dinggin noong Agosto 30.

Tiniyak ni Guevarra na isusulong ng OSG ang inihaing quo warranto petition kahit sinibak na sa pwesto ng Office of the Ombudsman si Guo.

Nilinaw ng OSG na para ito pormal na maideklara si Guo na walang karapatan na tumakbo sa anumang pwesto sa pamahalaan.

Sa quo warranto petition ng OSG, inihayag sa Manila RTC ang naging findings ng National Bureau of Investigation (NBI) batay sa fingerprints examination na si Alice Guo at ang Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisa.

Iginiit ng Solicitor General na pangunahing rekisitos para sa local elective office ay ang Filipino citizenship.

Sa kaso ni Guo Hua Ping, maituturing itong hindi karapat-dapat bilang alkalde ng Bamban, Tarlac at kung patuloy nitong gagampanan ang tungkulin bilang alkalde ng Bamban ay maituturing na pang-aagaw ng opisina. Teresa Tavares