Home METRO Magat Dam magpapakawala ng tubig ngayong hapon

Magat Dam magpapakawala ng tubig ngayong hapon

MANILA, Philippines- Sinabi ng pamunuan ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System o NIA-Mariis na naglabas ito ng abiso sa gagawing pagpapakawala ng tubig ngayong hapon, Setyembre 4 (Miyerkules).

Sa dam discharge warning no.1 na inilabas ng NIA-MARIIS, alas-2 ng hapon ang posibleng aktuwal na pagbubukas ng Magat Dam gate.

Kaugnay nito, sinabi ng NIA na ito ay  sakaling umabot sa 186 metro ang lebel ng tubig ng nabanggit na water reservoir.

Sa report ng Pagasa metrological division nitong alas-8 ng umaga ay nasa 184.61 metro na ang water level ng pangunahing dam sa Cagayan Valley region.

Sabi ng NIA, nakipag-ugnayan at ipinagpaalam na nila ito sa NIA Central office, Pagasa, PDRRMC maging sa Office of the Civil Defense Region 2.

Paliwanag ng dam management, isang (1) gate ang bubuksan ng isang metro at ang ipalalabas na tubig ay 150 cubic meter per second (150cms), at maaaring tumaas depende sa aktuwal na daming pumapasok na tubig sa reservoir.

Ang pagbubukas na ito ay para mapanatiling nasa ligtas na lebel ng tubig ang Magat dam habang pinaghahandaan ang posibleng pagbuhos ng ulan sa susunod pang mga araw dahil sa habagat.

Samantala, hanggang nitong alas-8 ng umaga patuloy din sa pag-apaw ng tubig ang La Mesa dam sa Metro Manila na madaling-araw pa lamang ay lumampas na sa spilling level nito na 80.15 metro. Santi Celario