
MARAMI talaga ang paraan upang sirain ang kredibilidad ng halalang 2025 at ng Commission on Elections.
Ngunit nagtatagumpay naman ang Comelec sa ilalim ni Chairman George Garcia.
SCAMMER BA?
Isa sa mga pinakahuling pangyayari na mapanira sa halalan at sa Comelec ang pagpapanggap ng ilan na tauhan sila ng Comelec at kumikilos para mandaya.
‘Yun bang === nahuli sa Laguna nitong Lunes ng umaga sa Silangan Elementary School sa Santa Cruz, Laguna.
Nagpanggap silang Comelec inspectors para inspeksyunin daw ang mga counting machine sa nasabing lugar.
Mabuti na lang at alerto ang mga nagbabantay at isa sa mga napansin nila ang pagsusuot ng mga suspek ng pekeng Comelec IDs.
Ngayon, nahaharap na sila sa mga kasong falsification of public documents at usurpation of authority.
May problema nga lang, mga Bro, dahil pupwedeng piyansahan ang mga krimeng ito.
Naglalaro umano sa P24,000-P48,000 ang piyansa para sa falsification of public documents at may parusang 6-12 taon kung tawagin ng mga kakosa.
Ito namang pagpapanggap o usurpation of authority, may parusang 1 taon, 8 buwan at 21 araw hanggang 2 taon at may piyansang P2,000-P6,000 depende sa halagang sangkot dito.
Tiyak na makalalaya agad ang mga ito pagkapiyansa nila at kung kailan sila makukulong…kung mapatunayan silang nagkasala ng hukuman…ewan natin.
MGA AYUDA
Nasawata rin ng Comelec, kahit huli na, ang pamimigay ng katakot-takot na ayuda na nagmukhang pang-akit ng boto, kasama ang P20 kada kilong bigas.
Huli na, dahil 10 araw na lang ang natitira, mula Mayo 2 hanggang Mayo 12, 2025, at may nauna nang pamimigay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.
MGA MAHIRAP MASAWATA
Patayan ng mga magkakalaban ang kabilang sa mahirap sawatain kahit pa sapin-sapin ang mga pwersang pulis, sundalo at iba pa laban dito.
Hindi pa tapos, ang mabigat na problemang ito at kahit matapos na ang halalan, maaaring meron pa ring magpapatayan.
Isa rin ang vote-buying lalo’t bibihira ang lumulutang na testigo rito.
Sa vote buying na talagang kwarta ang gamit, kasagsagan ang paggawa nito karaniwan sa Mayo 10-11 at may buntot pa ito sa araw mismo ng halalan at pagkatapos nito, lalo na sa parte ng mga mananalo na hulugan ang pamimigay nito.
Isa pa, kahit sinasabi ng Comelec na hack-proof at cheat-proof ang sistemang panghahalan, meron at meron pa ring mga suspetsa na may masasangkot mula sa Comelec para sa manipulasyon ng boto at pagpapadala ng resulta mula sa presinto ng botohan hanggang sa munisipyo, lalawigan, Comelec at accredited na organisasyong tagabilang ng boto.
Maaaring masawata ang mga tagalabas, kung ordinaryong taong iskammer ang mga ito.
“Yang gawa ng mga maimpluwensya at makapangyarihan at Comelec insider, kung saka-sakali ang dapat talagang bantayan.
Magagawa ba natin, Kuya Chairman George, na harangin ang paggawa ng milagro ng mga demonyo sa gobyerno, makapangyarihan at maimpluwensya?