Home OPINION DRUG TEST SA DRIVERS, MAGIGING GATASAN

DRUG TEST SA DRIVERS, MAGIGING GATASAN

SANG-AYON tayo sa sapilitan o mandatory drug test sa lahat ng mga tsuper ng mga sasakyang pampasahero mula sa motorsiklo at tricycle hanggang sa mga jeepney, taxi, Transport Network Vehicle Service, bus at iba pa.

Pero ‘yung gawin ito kada tatlong buwan gaya ng gusto ng Department of Transportation?

Baka magkaproblema tayo rito sa mahal na drug test, bukod pa ang zero income sa pagpunta sa drug testing center at iba pa.

Kapag nagpositibo sila sa drug test sa anomang dahilan, kasama ang pagiging dati nilang user ngunit nagbago na, o kaya’y sa iniinom nilang gamot o yosi, magbabayad pa sila ng confirmatory test sa Dangerous Drugs Board.

At maaaring bawian sila nang tuluyan ng lisensya at hanapbuhay ng LTO.

Paano na ang traysikel, taxi, jeepney drivers at iba pa, lalo na ang mga nagbabawnderi, na inagawan ng kita at pasahero ng mga motorsiklong taxi, nakikipagbuno sa mahal na petrolyo at araw-araw o linggo-linggong kinokotongan ng mga traffic enforcer at pulis?

Sa pakikisalamuha natin sa maliliit na tsuper at nagbabawndari, linggo-linggo o araw-araw na hinuhuli o kinokotongan ng mga pulis at traffic enforcer at gumagastos ng malaki sa petrolyo at piyesa, kailangan nilang kumayod ng 12 oras o 24 para may maiuuwi sila sa kanilang mga pamilya.

At karaniwang hindi sapat, mga brad, para sa pagkain, baon sa eskwela, gamot sa maysakit, bayad sa tubig at kuryente at marami pang iba.

Kapag natuloy ‘yang mandatory drug test sa lahat, at sakop kahit ang higit na nakararaming walang iligal na bisyo, hindi kaya gagatasan lang sila ng LTO, drug testing center at DDB at lalo silang maghihirap?

Isa pa, mismong DOTr ang nagsabing walang droga ang tsuper ng Solid North na nakadisgrasya, saan ang klarong batayan ng madalas na mandatory drug test?

Kung nawalan ng preno ang sasakyan o napuyat, napagod, nagkamali sa tantiya, nag-overspeeding o nag-overloading ang tsuper, drug test ba ang kasagutan?

Nagtatanong lang po!