Home OPINION GARAPAL NA VOTE BUYING

GARAPAL NA VOTE BUYING

MISTULANG epidemya na ang bilihan at bayaran ng boto sa lalawigan ng Bulacan, lalo sa mga barangay na sakop ng City of San Jose del Monte.

Umuulan ng kwarta para ipihit ang resulta sa lokal na halalan.

Kasabwat sa ‘vote buying’ ang ilang pamunuan ng barangay na suportado ang kandidatura ng “manok” ng isang mataas na pinuno ng lalawigan.

Kung noong araw ay sa karimlan ng gabi at madaling-araw nagaganap ang bilihan at bayaran, ngayon ay sobrang garapal na dahil kahit sa ilalim ng liwanag ng araw e nangyayari ang bilihan.

Eh kasi sabi nga, kapag pera ang nangusap, makikinig kahit bingi. At sino ba naman ang tatanggi sa “biglang grasya” na ipinapamudmod sa panahon ngayon ng krisis.

May mga nakakasaksi sa naturang “himala” sa bawat kanto’t sulok pero walang pumapalag sa tahasang pagbabasura sa electoral laws.

Halimbawa sa San Jose del Monte, Bulacan, kamakalawa ay may nakitang kumpol ng mga tao sa mga inilatag na tent sa Quirino Highway, Tungkong Mangga. Aakalain mong may pinagkakaguluhang artista, yun pala ay nagkakaabutan ng polyetos na may ipit na P300, courtesy ng isang vice mayoral candidate at partylist group.

Kahit na may mga nasusuka na sa ganitong pinapairal na kalakaran bago maghalalan, nagsasawalang-kibo na lang ang mga tao.

Tulad iyan ng mga nasa Comelec, ipipikit na lang ang mata sa lantarang nagaganap. Ibang sumupalpal sa reklamo ang pera. Lululunin kahit pa kasuka-suka.

@@

Naalala ko lang, itong si konsehala na vice mayoral candidate ngayon ang tumutol sa para maging highly urbanized ang SJDM sa utos ng kanyang boss sa kapitolyo.

E kasi nga naman, kapag highly urbanized na ang SJDM ay magiging indipindyente na ito at hindi na aasa sa kapitolyo. Ang kikitain sa buwis ng lungsod ay direkta nang mapupunta sa mga serbiyso sa tao.

Ayaw itong mangyari ng “poon” sa kapitolyo dahil malaking kabawasan ang malaking share na nakukuha nito sa SJDM.

At syempre, ayaw ito ng isang high ranking officials sa kapitolyo ‘pagkat mawawalan siya ng kupit para pansustento sa kanyang “chiching” na starlet sa isang giant network.

Saan na nga naman kukuha ng pang-gaas si starlet na niregaluhan niya ng isang mamahaling SUV.