
NAGING mabilis ang pagtaas ng bilang ng mga naitalang krimen lalo na ang kidnapping, robbery at iba pang uri sa Makati City pero maging mas mabilis ang pag-angat ng inilaang confidential fund sa alkalde ng nasabing lungsod.
Sinasabing umabot sa P240 milyon ang confidential at intelligence funds ni Makati City Mayor Abby Binay na inilaan ng Makati City Council para magamit sa peace and order programs ng pamahalaan kung saan nangunguna ang pagsugpo at paglutas ng iba’t ibang krimen nang naaayon sa batas.
Sa isang liham na ipinadala noong Oktubre 2024, umapela ang mga residente ng Salcedo Village kay Binay sapagkat nagkaroon ng “sharp increase” sa krimen tulad ng robbery snatching, robbery hold-up at maging kidnapping.
Bahagi ng sulat ang pagsasaad na umabot sa 71 porsyento ng krimen ay naganap sa barangay.
Hindi lang naman mga naglalakad ang nabiktima ng sunod-sunod na pag-atake ng riding-in tandem na minsan ang suspek ay nakasuot pa ng uniporme ng ‘Angkas’ subalit maging ang restaurant goers o iyong mga papasok sa trabaho.
Nitong linggo ng gabi, Mayo 4, 2025, pinasok ng tatlong armadong kalalakihan ang Izakaya Kojiro sa Pasay Road, Makati City na nakatangay ng pera, alahas at cellphone base sa kumalat na video sa social media.
Samantala sa pinakahuling audit report ng Commission on Audit, natuklasan na top spender si Binay sa17 local chief executives sa Metro Manila na umabot sa magkasanib na P480 milyon ang ginastos ng POPs sa dalawang magkasunod na taon, 2022 at 2023.
Habang sa COA audit report, gumastos ng P120 milyon ang Lungsod ng Maynila nitong 2022 at 2023 at bumagsak sa pangalawa habang pumangatlo ang Quezon City na umabot sa P100 milyon ang ginamit sa confidential funds kahit ito ang may pinakamalaking land area at populasyon.
Base sa batas, kasama ang local government units na kailangang gumastos ng confidential funds para sa POPs.
Pero sa Makati City, bagaman napakalaki ng CIF ng alkalde, tila hindi nasuportahan ang mga proyekto ng POPs upang maging matahimik at mapayapa ang komunidad.
Saan napunta confidential funds ng Makati City na dapat sana ay ginamit para sa peace and order program?
Dapat sagutin ni Binay ang katanungan baka sakaling bumalik ang tiwala sa kanya ng mismong kanyang mga residente.