MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na umabot sa halos 130,000 pasahero ang nakinabang sa unang araw ng libreng sakay ng jeep sa Maynila nitong Lunes, Marso 30.
Batay sa huling datos na iniulat ni Domagoso, nasa 129,665 pasahero ang napagsilbihan hanggang alas-9:30 ng gabi nitong Lunes.
Nabatid na ang naturang libreng sakay sa mga pampasaherong jeep sa Maynila ay naglalayong maibsan ang hirap ng mga Manileño sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.
Ipinaliwanag ni Domagoso na idinisenyo ang programa upang sabay-sabay na makinabang ang apat na sektor—mga operator, driver, gasolinahan, at mga commuter—bilang tugon sa epekto ng global oil crisis.
Aniya, garantisado ang boundary ng mga operator sa ilalim ng programa at sasagutin ito ng pamahalaang lungsod.
Para naman sa mga driver, mula sa karaniwang ₱200 hanggang ₱300 na netong kita kada araw, itinaas ito sa hindi bababa sa ₱1,000 na garantisadong kita. Ibinibigay ang kalahati ng bayad bago bumiyahe, at ang natitirang kalahati ay ibinibigay matapos ang kanilang biyahe.
Kasama rin sa makikinabang ang mga gasolinahan, dahil sa datos na ibinahagi ni Yorme ay umabot sa 1,038 na jeep ang tuloy-tuloy na bibiyahe anuman ang dami ng pasahero, na magtitiyak ng tuloy-tuloy na pagbili ng gasolina.
Samantala, libre ang pamasahe ng mga estudyante, manggagawa, at iba pang pasahero na bumibiyahe sa loob ng anim na distrito ng Maynila habang ipinatutupad ang programa. JAY Reyes