MANILA, Philippines- Nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga City ng preemptive evacuation sa mga barangay na apektado ng pagbaha kasunod ng malakas na pag-ulan dulot ng southwest monsoon.
Nasa 1,000 pamilya ang inilikas mula sa Barangays Tumaga, Guiwan, San Jose Gusu, Putik, Sta. Maria, at Pasonanca, hanggang alas-7:40 ng umaga nitong Sabado.
Pansamantalang nananatili ang mga apektadong pamilya sa iba’t ibang evacuation centers.
Agad na binigyan ng tulong ang mga lumikas na pamilya habang patuloy na nagsasagawa ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng assessment at profiling.
Sinabi ng lokal na pamahalaan na walang kanseladong biyahe batay sa ulat ng Integrated Bus Terminal, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at Coast Guard Zamboanga Station, hanggang alas-9 ng umaga nitong Sabado.
Patuloy na binabantayan ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ang sitwasyon sa mga ilog at sa mabababang lugar. RNT/SA