MANILA, Philippines – Sumampa na sa halos isang milyon ang bilang ng mga bumibisita sa Manila North Cemetery (MNC) ngayong Nobyembre 1.
Sa pinakahuling tala, nasa 975,000 na ang nagtungo sa MNC lamang mula kaninang umaga hanggang alas 4 ng hapon.
Nitong Oktubre 30 at Oktubre 31, ay umabot lamang sa halos 120,000 ang dumalaw sa sementeryo.
Sa panayam kay MNC Administrator Roselle ‘Yayay’ Castaneda, sa kabuuan ay aabot na ng 1.2 milyon ang nagtungo sa sementeryo mula Oktubre 30 hanggang ngayong Nobyembre 1 at patuloy pang nadaragdagan.
Samantala, sinabi rin ni Castaneda na malaking kabawasan sa basura ang pagbabawal ng mga food stall sa loob ng sementeryo.
Paliwanag ni MNC Administrator Roselle ‘Yayay’ Castaneda, bukod sa nagdudulot ng maraming basura ang food stall ay natatakpan din aniya ang mga signages ng mga kalye.
Bukod dito, natatakpan din ang mismong kalsada patungo sa mga puntod na dinadalaw ng mga nagtutungo sa MNC.
May mga tauhan naman ng Department of Public Service o DPS ang nakatutok sa loob at labas ng sementeryo na agad naglilinis sa mga kalat o basura.
Wala namang naitatala pang untoward incidents sa buong maghapon. Jocelyn Tabangcura-Domenden