Home NATIONWIDE Halos 20 LGUs nasa ilalim ng state of calamity sa El Niño

Halos 20 LGUs nasa ilalim ng state of calamity sa El Niño

MANILA, Philippines- Halos 20 local government units (LGU) ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa El Niño, ayon sa government task force nitong Biyernes.

Kabilang sa mga lugar sa ilalim ng state of calamity ang Oriental Mindoro, at ilang munisipalidad sa Occidental Mindoro, Palawan, Romblon, Ifugao, Antique, at Zamboanga City, batay sa Task Force El Niño. 

Plano naman ng ilan pang local governments na sumunod sa mga lugar na ito dahil sa epekto ng El Niño, wika ni task force spokesperson Joey Villarama.

“May iba tayong naririnig na lalawigan na nagma-mull o nag-iisip mag-declare ng state of calamity pero po kailangan po pasok sa criteria. Dapat 15 percent ng populasyon ay apektado, 30 percent ng kabuhayan ay apektado at may structures na dapat din apektado,” ani Villarama.

Umabot na ang agricultural damage dahil sa El Niño sa P2.63 bilyon, ayon sa datos ng Department of Agriculture. 

“Hindi naman mao-offset ‘yong damage na P2.63 bilyon nung P1 bilyong tulong, ngunit kahit papaano po, naibsan ang paghihirap ng mga mamamayan na apektado ng El Niño. Farmers ang apektado sa mga sakahan ngunit ang pamilya nila, in terms of individuals, ang apektado ay mga kalahating milyon, hindi lamang mga magsasaka, ang tulong ay para sa kanilang immediate family,” giit ni Villarama. RNT/SA