Home METRO Halos 3M bisita nakisaya sa Chinese New Year sa Manila Chinatown

Halos 3M bisita nakisaya sa Chinese New Year sa Manila Chinatown

(c) Crismon Heramis

MANILA, Philippines- Nasa halos tatlong milyong katao ang dumagsa at nakilahok sa mga aktibidad para sa pagdiriwang ng Chinese New Year ngayong taon sa Lungsod ng Maynila.

Batay sa lokal na pamahalaang lungsod, naging matagumpay, maayos at mapayapa ang taunang selebrasyon bisperas man o mismong araw ng pagdiriwang ng Year of the Wooden Snake.

Kabilang sa mga naging highlights sa nasabing okasyon ay ang 25 minutong musical fireworks at drone show na ginanap sa Chinese-Filipino Friendship Bridge sa tapat ng Jones Bridge, na nagsilbing viewing deck.

Kaugnay nito, ang “Solidarity Parade,” na nagtampok ng humigit-kumulang 30 floats na kumakatawan sa lungsod ng Maynila at iba’t ibang Chinese-Filipino organizations, ay nasaksihan ng halos 2 milyong katao.

Ang mga nakasakay sa mga float ay naghagis ng mga goodies, maliliit na “angpao” na naglalaman ng token money, at iba pang bagay na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa mga tao.

Magkasama naman na nakasakay sa unahang float sina China Ambassador to the Philippines Huang Xilian at Manila Mayor Honey Lacuna kung saan pinasalamatan ng alkalde ang lahat ng tumulong na mapanatiling mapayapa at maayos ang buong pagdiriwang.

Kasabay nito ay nagsagawa naman ng simpleng Chinese New Year walking parade ang grupo ni dating Manila Mayor at kumakandidatong muli bilang alkalde ng nasabing lungsod na si Isko Moreno Domagoso kung saan dinumog at nakisabay sa paglalakad ang mga tao.

“Mas minabuti po nating gawing walking parade instead of motorcade ang traditional na pamimigay ng ang pao sa Binondo because we want to make the downtown community feel that we are celebrating with them— sa bawat kalsada, tindahan, at tahanan ng Filipino-Chinese dito sa oldest Chinatown in the world outside China,” saad sa social media page ni Domagoso. JR Reyes