MANILA, Philippines – Ayon sa Department of Education (DepEd), 3,924 silid-aralan sa buong bansa ang nasira dahil sa pinagsamang epekto ng dating Bagyong Maymay at habagat.
Batay sa ulat ng DepEd hanggang 8 a.m. ng Lunes, 722 paaralan ang naapektuhan. Sa mga nasirang silid-aralan, 751 ang tuluyang nawasak, 818 ang malubhang nasira, at 2,355 ang bahagyang nasira.
May 52 paaralan ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers, kung saan 239 silid-aralan ang pansamantalang tinitirhan ng 1,057 pamilya.
Naapektuhan din ng sama ng panahon ang 6,517,252 mag-aaral at 288,967 kawani sa 10,029 pampublikong paaralan sa 61 school divisions at walong rehiyon.
Pinakamaraming paaralang nagsuspinde ng face-to-face classes ang naitala sa Central Luzon, na umabot sa 3,546 paaralan.
Nasira rin ang 5,368 upuan, 380 ICT equipment, at 6,227 learning materials, na nakaapekto sa pagtuturo at pag-aaral.
Naglaan ang DepEd ng P20.418 milyon para sa cleanup at clearing operations sa mga apektadong paaralan at P115.395 milyon para sa minor repairs ng 2,355 silid-aralan.
Ayon sa DepEd, nananatili silang nakatuon sa kaligtasan, kapakanan, at tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga estudyante at kawani. RNT/MDS