Home HOME BANNER STORY Halos 586,000 katao apektado ng habagat, Luis, Maymay – NDRRMC

Halos 586,000 katao apektado ng habagat, Luis, Maymay – NDRRMC

1
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa 585,993 katao o 170,593 pamilya ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng pinalakas na Habagat at Tropical Cyclones Luis at Maymay, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon sa ulat ng NDRRMC nitong Lunes, Agosto 10, naapektuhan ang siyam na rehiyon, 33 lalawigan, 225 lungsod at munisipalidad, at 1,362 barangay.

May 4,866 katao ang inilikas bago pa lumala ang sitwasyon sa Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa. Samantala, 32,830 katao ang kasalukuyang nananatili sa 293 evacuation centers o sa bahay ng kanilang mga kamag-anak.

Nakapagtala rin ang NDRRMC ng walong naiulat na namatay, siyam na nasugatan, at isang nawawala, ngunit patuloy pa ring bineberipika ang mga ulat.

May 635 lugar na binaha at 29 iba pang insidente tulad ng landslide, electrocution, pagbagsak ng mga istruktura, pagtama ng kidlat, at malalakas na hangin.

Umabot sa 306 bahay ang napinsala, kung saan 286 ang bahagyang nasira at 20 ang tuluyang nawasak.

Naitala rin ang pinsala sa 323 imprastraktura na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.12 bilyon.

Apektado rin ang 437 kalsada, 27 tulay, at 24 pantalan, habang 383 pasahero, 44 rolling cargoes, at limang sasakyang-pandagat ang na-stranded.

Nagkaroon din ng pagkaputol ng kuryente sa 65 lungsod at munisipalidad, at pagkagambala ng suplay ng tubig sa apat na lugar. Dalawang lugar naman ang nakaranas ng problema sa komunikasyon, ngunit naibalik na ang serbisyo.

Dahil sa masamang panahon, 556 lungsod at munisipalidad ang nagsuspinde ng klase, habang 426 ang nagsuspinde ng trabaho.

Ayon sa NDRRMC, umabot na sa ₱16.79 milyon ang naipamahaging tulong sa mga apektadong pamilya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here