BULACAN, Philippines – Kasalukuyang nakararanas ng high tide ang lalawigan ng Bulacan na may taas na halos 5 talampakan, kung saan pinagsama-sama pa ang baha na dala ng pag-ulan sa mga nakalipas na dumaang bagyo at habagat, ay nag dulot ng hanggang baywang o dibdib na lalim ng tubig sa ilang lugar.
Umabot sa 4.83 feet ang high tide, mas mataas sa karaniwang 2 hanggang 3 feet.
“Higit itong nagpataas ng baha sa mababang lugar… For this year, ito na ang pinakamataas na nararanasan natin,” ayon kay Manuel Lukban, Bulacan’s disaster risk reduction and management officer.
Sa ngayon, ang mga bayan ng Hagonoy, Bulakan, Calumpit, Paombong, at Malolos ang pinakamaraming binaha dahil sa pagtaas ng tubig, patuloy na malakas na pag-ulan, at pagbaha.
Inaasahang bababa ang pagbaha sa susunod na 4 hanggang 5 araw, ani Lukban.
“Ang problema, hindi agad makalabas ng tubig kung mataas ang lebel ng high tide,” saad ni Lukban.
“Sa tala ng ating recorded analysis ng ating high tide, ngayon ang pinakamataas ay 4.83 at unti-unti na itong bababa sa mga susunod na araw,” ayon pa sa kaniya.
Nagdeklara na ng state of calamity ang Guiguinto, Meycauayan, Calumpit, Balagtas, Hagonoy, Paombong, Bocaue at Marilao sa gitna ng mga pagbaha at pinsalang dala ng habagat at bagyo. RNT/MND