Home METRO Dike wall sa Calasiao, Pangasinan binasag ng mga residente

Dike wall sa Calasiao, Pangasinan binasag ng mga residente

275
0

PANGASINAN, Philippines – Nabasag ng mga residente ang bahagi ng pader ng dike sa Barangay Talibaew sa Calasiao, Pangasinan, sa paniniwalang makakatulong ito sa pagbaha sa kanilang lugar.

Pinigil na ng local engineering office ang mga residente sa karagdagang pinsala.

“Ang pagkakaintindi nila kapag nilagyan nila ng butas yung retaining wall sa dike ay makakatulong mabawasan yung tubig sa kanilang barangay. Pero widespread naman itong pagbaha. Halos yung lebel ng tubig nila sa barangay nila at sa ilog, parehas lang,” saad ni Calasiao MDRRM Officer Freddie Villacorta.

May 23 pang barangay sa Calasiao na nasa ilalim ng tubig-baha, ayon sa ulat. Umabot na sa bubong ng mga bahay ang tubig-baha sa Barangay Longos, Lasip, Lumban, at Mancup.

Naglandfall ang Tropical Storm Emong sa bayan ng Agno noong Huwebes ng gabi. Kitang-kita sa bayan nitong Biyernes ng umaga ang resulta ng pagkawasak nito.

Nasira ang mga bahay at establisyimento. Bumagsak ang mga puno at poste ng kuryente sa mga lansangan na nagdudulot ng pagkaputol ng kuryente sa bayan.

Sa Alaminos, ang malakas na hangin ay nagdulot ng pagbagsak ng mga poste ng kuryente na nagdulot ng brownout sa ilang lugar.

Ayon sa ulat, mayroong 26 na bayan at lungsod sa Pangasinan ang kasalukuyang walang kuryente. Ang Agno at mga kalapit na bayan ay nakakaranas din ng pagkagambala sa telekomunikasyon.

“Pahirapan kami sa pakikipag-coordinate doon (Agno). Actually, ‘yung report nila ‘yung situational report nila ay hindi pa kami nakaka-receive dahil walang communication [at] may power outage,” ayon kay Pangasinan Assistance PDRRM Officer Avenix Arenas.

Batay sa inisyal na assessment ng pamahalaang panlalawigan, ang tinatayang halaga ng pinsala sa imprastraktura at agrikultura sa Pangasinan ay nasa P600 milyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here