Home NATIONWIDE Halos 60K Pinoy nakilahok sa 200 rally para sa kaarawan ni Digong

Halos 60K Pinoy nakilahok sa 200 rally para sa kaarawan ni Digong

MANILA, Philippines- Nasa 60,000 Pilipino ang nakilahok sa nationwide protests o prayer rallies para sa ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.

Sa isang panayam, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na na-monitor ng PNP ang nasa 200 rally.

“Naging maayos at mapayapa naman sa pangkalahatan ang activities. Natapos ito ng wala naman tayong naitalang untoward incident,” wika ni Fajardo.

Sa kanyang kaarawan, nagsagawa ng mga aktibidad ang Duterte supporters sa Davao City, Cebu; Davao City; Manila; at Davao del Norte.

Noong Biyernes, March 28 ang ika-80 kaarawan ni Duterte na kasalukuyang nakaditine sa Scheveningen Prison sa The Hague, Netherlands.

Nahaharap ang dating presidente sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court para sa pagkamatay ng nasa 6,000 indibidwal sa war on drugs ng kanyang administrasyon.

Pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte ang mga taga-suporta ng kanyang ama na nagsagawa ng mga pagtitipon sa Pilipinas at sa ibang bansa upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan. RNT/SA