MANILA, Philippines – Hinamon ng Malakanyang ang Makabayan bloc na ‘pangalanan’ at magbigay ng detalye hinggil sa di umano’y “allocable funds” para sa pet projects ng mga mambabatas.
Ani Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na kailangan na suportado ng ebidensiya ang kanilang alegasyon.
Ito’y matapos na sabihin ng Makabayan bloc na sa kabila ng paggigiit ng administrasyong Marcos na “free of irregularities” ang panukalang 2026 national budget, umiiral pa rin ang pork barrel sa anyo ng “congressional allocables” for infrastructure, party-list allocations, and presidential pork in Unprogrammed Appropriations and Confidential and Intelligence Funds.”
Kinastigo rin ng Makabayan bloc ang liderato ng Kongreso para sa di umano’y tangkang pagtatago ng P695.78 billion na pork barrel insertions na binubuo ng “hard pork” o infrastructure “allocables” for lawmakers’ pet projects at “soft pork” para sa social welfare programs.
At nang hingan ng reaksyon si Castro ukol dito, ang sagot nito ay “Nasaan ‘yun? Ituro nila para makasagot tayo nang tama.”
“Kung sila ay magsasabi lang na mayroong mga allocable funds para sa mga lawmakers’ pet projects, siguro dapat ibigay nila sa atin ang listahan, ituro nila at kung sino ang mga lawmakers ito,” ang pahayag ni Castro.
Binigyang diin ni Castro na naninindigan ang administrasyong Marcos sa paglutas nito na walisin ang korapsyon sa lahat ng antas ng gobyerno, binigyang diin ang makabuluhang hakbang na ginawa sa mga pagsisikap sa reporma nito.
Tinukoy ang pinakabagong government data, sinabi ni Castro na ang Commission on Audit ay nakapaghain na ng 21 fraud audit reports, habang ang Department of Public Works and Highways ay nakapagtala ng 13 reklamo matapos na mailantad ang 421 ghost flood control projects.
Sinabi pa ni Castro na ang Bureau of Internal Revenue ay nakapaghain na ng apat na tax evasion cases, habang ang Independent Commission for Infrastructure ay nakapaghain na ng isang kaso, na mayroong 15 higit pa na isasampa sa mga darating na linggo.
Aniya, ang ginawa naman ng Anti-Money Laundering Council ay nagsagawa ng ‘frozen assets’ na nagkakahalaga P5.2 billion, kabilang na ang bank accounts, insurance policies, vehicles, real estate properties, at e-wallets na iniuugnay sa mga indibiduwal na di umano’y sangkot sa corrupt activities.
Ipinalabas naman ang Immigration Lookout Bulletin Orders laban sa 92 personalidad at persons of interest para pigilan ang pagbyahe mula sa posibleng pag-uusig.
Muling pinagtibay ni Castro ang commitment ng administrasyong Marcos para panatilihin ang kampanya laban sa korapsyon, nangako ng pananagutin ang nagkasala at lumabag sa batas at patuloy na babantayan ang public funds.
“Tinitiyak ni Pangulong Marcos Jr. na hindi rito matatapos ang pagkilos ng pamahalaan upang mapanagot ang lahat ng may sala. Tuluy-tuloy ang aksiyon kontra korupsiyon,” ang sinabi ni Castro.
“Ang mga hakbang na ito ay tungo sa mas masigasig na pagprotekta ng administrasyon sa kapakanan ng bawat mamamayan at pagbabantay sa kaban ng bayan,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)