
MANILA, Philippines – “Pangalanan mo.” Ito ang paghamon ng isang neophyte solon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maisiwalat na ang pangalanan ng mga mga politiko na nasasangkot sa mga maanomalyang proyekto ng flood control.
Ang hamon ay ginawa ni Kamanggagawa partylist Rep. Elijah San Fernando sa pagsasabing, “name the politicians allegedly involved in anomalous flood control projects amounting to hundreds of billions of pesos, warning that without names, accountability will remain an empty slogan.”
“Sabi na ni Pangulong Bongbong Marcos na kailangang may mapanagot. Mahiya naman daw itong mga sangkot dito sa flood control projects,” ani San Fernando.
“Ngayon nagbanggit din siya ng mga top companies na nakakuha ng mga proyekto at marami rin ang nagsasabi na maraming sangkot daw na mga congressman. Now we want him to name names. Mahirap kasi na nagsasabi lang sila na may mga sangkot pero hindi naman pinapangalanan. Paano magkakaroon ng imbestigasyon at kalaunan, accountability, kung hindi natin alam kung sino ang tinutukoy?”
Sinabi pa ng mambabatas na ang mga katiwalian ay hindi mareresolba kung puro parinig, pasaring at pahaging lamang.
“May pinapasaringan na naman pero puro speculation. We cannot act on speculation,” ani pa niya.
“Sino ba talaga yang mga sangkot na kongresista dito sa mga maanomalya ng flood control project? Kung hindi papangalanan, paulit-ulit lang ang drama. Sasabihin ng Pangulo na mahiya naman, pero sino ba yung gusto niyang mahiya? Sino ang pinoproteksyunan?”
Giit pa ni San Fernando na ang mga ganitong pahayag ay dapat ng isapubliko ang pagkakakilanlan sa mga sangkot sa kontrobersiya.
“Bilyon-bilyong piso ang sangkot dito: P500 billion since 2022, kung saan P100 billion napunta lang sa ilang kumpanya at contractors. May sinasabi sila na may mga pulitiko sa likod nito. Sino ba ang mga ‘yan? Sabihin niyo na, h huwag nang itago. Ang natatakot lang naman dito ay yung may tinatago.”
Samantala, hinikayat naman ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpatupad ng “one-strike policy” laban sa mga tauhan ng mga district engineers na sangkot sa irigularidad.
“Public works projects are vital to national development. We cannot allow corrupt practices to compromise the quality, safety, and integrity of these initiatives,” ani Santos.
Aniya marapat lamang na magpatupad si DPWH Secretary Manuel Bonoan ng panuntunan na kapag nasangkot sa katiwalian ay dapat mapaalis o makasuhan agad.
“DPWH Secretary Manuel Bonoan must adopt a zero-tolerance approach, and that starts with immediately removing officials involved in anomalies.”
Si Santos ay sumang-ayon sa naunang panawagan ni Bacolod City Rep. Albee Benitez na mag-leave of absence muna si Bonoan habang sinisiyasat pa ang ₱200-billion flood control project.
Kinlampag din ni Santos ang DPWH na palitan si Las Piñas–Muntinlupa District Engineer Isabelo Baleros dahil sa mga kwestyunableng transaksyon umano nito kabilang ang mga hindi otorisadong paglilipat ng pondo para sa flood control projects. (Meliza Maluntag)