Home OPINION HANGGANG TINGIN KA LANG

HANGGANG TINGIN KA LANG

MISTULANG binatang nakadungaw sa bintana habang dumaraan ang magandang dilag sa kalsada ang naging papel ng dalawang Chinese warhips na missile destroyer na Hefei at frigate Huangshan habang nagsasagawa ng Joint Maritime patrol ang dalawang barkong pandigma ng bansa na BRP Gregorio Del Pilar at BRP Davao Del Sur sa West Philippine Sea.

Hindi nakaporma ang puwersa armada ng China sa nakagawian nitong pambabalahura’t pang-aapi sa ilang barko ng Pinoy bunsod sa kasama nito ang US 7th Fleet, guided missile cruiser at dalawang destroyer sa pagpapatrolya sa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa sa WPS.

Patunay ito na bahag ang buntot ng Tsino kapag kadikit ng puwersa natin ang mga dambuhalang barko ng US na sadyang itinuturing pa ring pinakamalakas sa larangan ng military power sa sanlibutan.

Bagaman binira ng China ang pagsasanib puwersa ng US at ‘Pinas kaugnay sa Joint Maritime patrol subalit maliwanag pa sa sinag ng buwan na hindi kailanman kayang banggain ng abusadong Instik ang kapwa niya superpower na Amerika na anomang oras ay sumasaklolo sa atin sa panahon ng kagipitan.

Sa totoo lang, bilib na bilib ang sambayanan kay Pangulong Bongbong Marcos na walang ibang ginamit na stratehiya kundi ang isiwalat sa buong mundo ang pambababoy at pang-aapi ng China sa mga kababayang mangingisda sa WPS kung saan umani ito nang simpatiya mula sa iba’t-ibang bansang kaalyado man o hindi.

Mas lalo pang lumutang ang pagiging mautak ng ating Pangulo makaraang palakasin pa nito ang relasyon ng bansa sa US na sadyang sanggang-dikit na natin mula noon hanggang ngayon.

Kunsabagay, ang pakikipagtulungan ng US sa bansa ay kaakibat sa “Mutual Defense Treaty” nito na matagal nang nilagdaan kaya naman kahit ano pang ingakngak ng China sa isinasagawang pagpapatrolya sa WPS laban sa atin, ligal at makatuwiran ito alinsunod sa kasunduan ng dalawang bansa.

Previous articleSULAT SA NAKABABATANG AKO
Next articleAmihan magpapaulan sa Luzon, easterlies sa Vis-Min