Home OPINION SULAT SA NAKABABATANG AKO

SULAT SA NAKABABATANG AKO

KAPAG patapos na ang taon, karaniwang inilalahad ng isang journalist ang listahan ng mga mahahalagang kaganapan sa lumipas na taon. O kaya naman ay tatalakayin niya ang mga, inaasahan o pangitain sa darating na taon.

Maiba lang ako ngayon. Gusto kong mag-imagine na bibigyan ko ng advise ang 20-year old na sarili ko. Parang ito ang mga bagay na sasabihin ko sa kanya, ngayon lampas na ako sa Golden Age.

Kaarawan ko nga rin pala kasi noong sulatin ko ito (Belated happy birthday, Ms Alin.- Ed).  So, ito ang mga payo ko sa nakababatang si Alin Ferrer.

Pwede ang work-life balance, ate. Hindi kailangan puro trabaho, promotion at taas ng sweldo ang iniisip sa karera. Malaking bagay kung mahal mo rin talaga ang trabaho mo, kasi hindi ka madaling mapapagod at inspirado ka palaging pumasok ng maaga, mag-ambag sa mga proyekto at kahit walang bayad ang overtime.

Ang importante ay balansehin ang trabaho sa oras sa pamilya. At ipaunawa sa asawa at sa mga anak na mahalaga ang trabaho mo at sila rin ang dahilan at may pakinabang sa mahalagang gawain sa opisina o organisasyon. At hinding-hindi mo ipagpalit ang kagalingan ng pamilya sa anopaman.

Tapos beh, totoo ang mental wellness. Kaming mga lumaki sa dekada ‘80 at ‘90, hindi naming alam ito noon. Bulag lang kami siguro o kulang ang kaalaman namin, pero dapat ay conscious, na pinapahalagan mo ang mental wellness, tulad din ng pagpapahalaga mo sa pisikal na kagalingan.

Huwag magtipid para sa ikasasaya ng sarili, at piliin mo palagi ang mga bagay at desisyon na hindi magpapaliit at magpapasikip ng mundo mo.

Hindi mo rin kailangan magpa-impress o magpabida sa lahat o kahit na kanino.

Panghuli, maraming punto-de-vista sa mundo. Kahit na ba politika, relihiyon, relasyon, lifestyle or kultura, iba-iba ang pananaw ng maraming tao. Maaring hindi ka sanay sa kanilang pananalita o pag-iisip, pero hindi ibig sabihin noon ay mali sila. Iba lang sila talaga. At may kakanyahan ka rin.

Kaya sana, ngayong 2024 na, isang mas malusog at mahayahay na buhay ang haharap sa iyo.

Previous articleJEEPNEY NI JUAN
Next articleHANGGANG TINGIN KA LANG